PATAY ang isang 27-anyos babae habang dalawa ang sugatan sa naganap na sunog nang sumiklab ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa EDSA, Pasay City kahapon.
Kinilala ni Bureau of Fire Pasay City chief, Chief Inspector Douglas Guiab, ang namatay na si Neneth Venoza, sinasabing nakulong sa loob ng canteen nang sumiklab ang apoy pasado 3:00 pm sa 767 EDSA, Malibay ng nasabing lungsod.
Habang agad isinugod sa Pasay City General Hospital ang dalawang lalaking hindi pa nakukuha ang pangalan, bunsod ng mga paso sa katawan.
Napag-alaman, tinangka ng kapitbahay na si Edgar Lising na tumulong ngunit hindi umubra ang mga fire extinguiser niya dahil sa bilis nang pagkalat ng apoy.
Sinabi ni Charlene Duran, kasamahan ng biktima, sumingaw na LPG ang dahilan ng sunog makaraan maitumba ito ng aso.
Ayon kay Chief Insp. Guiyab, nasa kustodiya na ng Bureau of Fire ang may-ari ng canteen na si Ursulo Libyano Jr., para mapanagutan ang mga nasaktan at namatay na empleyado.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang halaga ng ari-ariang natupok ng apoy sa sunog na umabot sa ikalawang alarma.
( JAJA GARCIA )