MAINGAT na nalusutan ng isang eroplano ng Cebu Pacific Air (CEB) ang bird strike habang papalapag sa runway 24 ng Legazpi Airport kahapon ng umaga.
Nabatid na ang CEB flight 5J321 mula Maynila ay naghahanda ng paglapag sa naturang runway nang biglang salpukin ng mga ibon.
Ligtas at maingat na nailapag ng piloto ang eroplano kaya walang nasaktan sa mga pasahero, batay sa nakuhang detalye ng Police Aviation Security Group sa nasabing paliparan.
Nang magsagawa ng inspeksyon ang mga crew ng nasabing flight, napansin nila ang ilang bakas ng dugo at balahibo ng ibon sa kanang pakpak ng eroplano.
Sa kabila ng bird strike, nakalipad ang naturang eroplano ng Cebu Pacific pabalik sa Maynila makaraang masuri na hindi sila napinsala ng bird strike.
( GLORIA M. GALUNO )