BIBIGYAN ng pahintulot ng mga may-ari na makapasok sa high-end bars sa Metro Manila ang mga miyembro ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang suportahan ang mahigpit na kampanya ng Duterte administration laban sa ipinagbabawal na droga.
Ayon kay NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde, pumayag ang mga may-ari ng naturang mga establisimento na makapasok ang mga tauhan ng NCRPO para suportahan ang mahigpit na kampanya ng Duterte administration kontra sa ipinagbabawal na gamot.
Napag-alaman, nakatakdang lumagda ang mga may-ari ng high-end bars sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pulisya upang maisakutuparan ang naturang hakbangin.
Kaugnay sa intelligence report ng pulisya, ilang high-end bars sa lungsod ng Makati at Taguig tulad sa Bonifacio Global City (BGC) ang dinarayo ng mayayamang kabataan at personalidad na pinaniniwalaang talamak ang bentahan ng party drugs tulad ng ecstasy.
Dati ay hindi pinahihintulutan magpatupad nang pagbabantay ang mga pulis sa loob, tulad ng naganap na Close Up Forever Summer concert sa isang mall sa Pasay City noong Mayo 21, na ikinamatay ng lima katao kabilang ang isang dayuhan.
Nitong Sabado (Agosto 13), nahuli ng mga awtoridad ang isang Filipino-American national na si Evan Reanald Baylon, Emilio Lim at ang nobyang disc-jockey na si Karen Bordador sa Taguig at Pasig City.
Sinasabing sila ang supplier o nagbebenta ng party drugs sa ilang high-end bars sa Makati at BGC sa Taguig City at nakuha sa kanila tinatayang P3 milyon halaga ng party drugs tulad ng ecstasy.
( JAJA GARCIA )