NATAGPUAN ang bangkay ng hindi kilalang lalaki sa itim na plastic garbage bag sa gilid ng kalsada sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ng Makati City Police ang biktimang nasa hustong gulang, nakasuot ng pula at puting long sleeves at itim na short pants.
Ayon sa inisyal na ulat, dakong 1:30 am kahapon natagpuan ng isang residente ang isang kahina-hinalang itim na plastic garbage bag sa tapat ng bahay sa 9099 Labanda St., Brgy. Guadalupe Nuevo.
Nang suriin, tumambad ang bangkay ng isang lalaki na natatakpan ng packaging tape ang mukha, nakatali ang mga kamay at paa habang may bakas ng dugo sa leeg na posibleng palatandaan ng tama ng saksak o bala ng baril.
Agad ipinabatid ng residente sa mga opisyal ng barangay ang pagkakatagpo sa biktima at lumitaw na hindi ito kilala sa lugar.
Hinihinalang pinatay ang biktima sa ibang lugar at itinapon sa nabanggit na kalsada upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.
Inaalam ng awtoridad ang pagkakilanlan ng biktima at sinusuri ang closed circuit television (CCTV) camera malapit sa lugar.
( JAJA GARCIA )