MAGANDA at kaaya-aya anila ang ginagawang paglilinis ng mga tauhan ng Manila City Hall sa masisikip na lugar ngayon sa lungsod ng Maynila.
Pero hindi alintana ang kahirapang dulot nito sa nakararaming maninindang residente ng lungsod.
Kamakailan, inuna ng mga tauhan ni Mayor “under electoral protest” Erap Estrada ang pagpapaalis sa mga vendors sa Divisoria, Maynila.
Dito puwersahan at agarang ipinatupad ng grupo ni DPS Che Borromeo ang pagpapalayas ‘este pagpapaalis sa mga kaawa-awang manininda sa lugar.
Maganda naman ang kinahinatnan ng kanilang mala-berdugong pamamaraan ng pagpapaalis sa vendors dahil lumuwag nga sa Recto at Divisoria kahit nadaraanan na ng mga sasakyan.
Pabor na pabor sa mga pasaway na Jeep na umiikot sa Recto biyaheng Cubao na isa rin anila sa pinagkukunan ng HATAG para sa kinauukulan!?
“‘Yan ang maipagmamalaki ng taga-city hall bilang pagpapapansin at palakas cum papogi umano kay Pangulong Duterte.
Hinaing ng mga maralitang manininda sa lugar, sana’y bigyang-pansin ng ating Pangulo ang ginawa sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Maynila dahil walang inilatag na alternabtibong paraan ng pagtitinda. Basta na lang silang winalis sa kanilang mga kubol na mahigit tatlong taon nilang binabayaran at ginastusan sa pagkuha ng permit sa Manila city hall sa programang task force organized vending ni Yorme Erap.
NAPAKABUWENAS
NI ENGR. CHE BORROMEO
Kapit-tuko kung titingnan, sa literal ay uri ng hayop na kapag kinapitan ay hindi basta-basta kumakalas samantala ang Hunyango naman na kapamilya rin ng tuko ay nagsasaibang kulay kung saan siya matatapak.
Ganyan raw ang ipinapamalas ni Manila DPS Chief Che Borromeo na ayaw nang humiwalay sa taong may hawak na may tangan pa at nagdadala ng martsa tulad ni Pangulong Mayor Erap Estrada.
Hindi natin alam kung paano inuto at ano ang ipinakain kay Erap para lamang makuha ang kasalukuyan niyang posisyon.
Kung hindi tayo nagkakamali, siya rin ang hepe ng DPS noong administrasyon ni Mayor Lito ‘bulaklak’ Atienza. Si Borromeo ang pinakapaboritong Department head ni Atienza noon at halos ituring siyang kapatid nito.
Maraming nagtatanong, ano ang sukatan ng salitang loyalty kay Che Borromeo.
Matapos raw kasing makinabang kay Atienza ay kumambiyo na sa kabilang partido na alam niyang kompitensiya sa politika ng dati niyang amo.
Iyan ang isang katangian ng isang hunyango na dati raw ay kulay bulaklak pero ngayon ay kulay kahel naman dahil doon naman siya nakikinabang?
Hindi ka ba napapagod sumandok ‘este’ maglingkod sa city hall?
Ayaw mo bang maglibang ka na lang sa buhay? Marami ka pa namang kabayong pangarera, alagaan mo na lang sa rancho mo at palahian mo, may mahihita ka pa.
ANG MATIPUNONG
MANDIRIGMA
NG MPD STATION 11
Makisig, matikas at isang matipunong mandirigma ang tinutukoy nating opisyal ng MPD-Station 11 na walang iba kundi si Capt. Edward Samonte na kasalukuyang hepe ng isang special task force ng nasabing presinto.
Bata pa ay may kakaibang tindig.
Makikitaan ng potensiyal na maging isang promising official ng distrito. Walang patlang ang ginagawa niyang trabaho sa araw-araw lalo sa kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa kanyang nasasakupan.
Bagamat commercial area ang kanilang AOR ay pilit niyang hinimay at sinusuyod lahat ng lungga ng mga drug-pusher.
Kamakailan, nakahuli siya sa Alvarado St., ng isang notorious na tulak sa Binondo.
Accommodating siya hindi lang sa media kundi sa lahat partikular sa barangay officials at kanilang constituents.
Bukas siya sa lahat ng mga katanungan hinggil sa kanilang naging mga operasyon. Fair and Square at dumaan sa proseso ang lahat ng aming aktibidad, sabi niya.
Mabuhay ka Capt. Samonte! Keep up the good work!
BAKIT NAGTATAGO
SI TATA BOYONG!?
Kabaligtaran naman sa katauhan ni Capt. Samonte itong si Tata Boyong Tago, hepe ng anti-crime unit at enkargado ng nasabing presinto.
Kung paano kahusay makiharap sa publiko si Capt. Samonte ay the other way around naman si Boyong Tago na mailap pa sa usa at musang sa gubat.
Hindi tuloy natin malaman kung may utang na tinataguan ito o ayaw mautangan?
O ayaw siyang makita na nagbibilang ng pera?
Nagtatanong lang tayo!
YANIG – Bong Ramos