In fairness, mayroon din talagang mga pinagkakatiwalaang tao si Yorme Erap Estrada na mapagkakatiwaalan at talagang nagseserbisyo sa bayan.
Maraming empleyado ng Manila city hall, ang nakapapansin ngayon na may Kamaganak Inc. ang madalas na nakikialam na sa mga official function ng ilang departamento.
‘Yun nga lang kapag hindi raw kikita ‘yung KAMAG-ANAK Inc., tinutsugi ang mga project ng mga seryoso, dedikado at determinadong opisyal sa Erap administration.
Tapos papalitan umano ng mga project na kikita sila pero ang gagamitin pa rin ‘yung opisina ng tsinuging proyekto.
Ano ba ‘yan?
Parang gusto nating maniwala na kaya nasentensiyahan ng Plunder si Erap ‘e dahil sa mga taong hindi niya matanggihan at pagkatapos ay hahatakin ang buong pamilya.
Araykupo!
Mayor Erap, nasa ikalawang termino na po kayo, baka puwede namang magtrabaho ‘este’ i-check ninyo ‘yung mga ‘pinagkakatiwalaan’ ninyo na baka hindi ninyo alam, sa kagustuhang kumita nang malaki at easy money ay naililigwak na kayo?!
Sabi nga ninyo, “I learned not to be trusting…”
Gawin na ninyong gabay ‘yan laban sa mga taong nakadikit, nakabuntot at nagkukunwaring dikit ninyo pero inaabuso ang paggamit sa pangalan ninyo.
Baka kasi isang araw ‘e magising kayo na wala na ang mga tunay at mapagkakatiwalaang tao ninyo kalalaglag ng mga ‘malalapit’ sa inyo.
Unsolicited advice lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com