Kayod kabayo ng PNP kontra droga tinuligsa
Johnny Balani
June 23, 2016
Opinion
HINDI pa man nakauupo sa tama at talagang puwesto si Incoming President Rodrigo Duterte, nauna nang ipinahayag ang kanyang mga planong patumbahin umano ang mga tiwali at tulisan sa lipunan. Tama lang ‘yun mga ‘igan nang hindi na pamarisan pa at siyempre matutuldukan na ang mga katiwalian, partikular ang mga isyu tungkol sa mga ilegal na droga at krimen sa bansa.
Agad itong tinugon mga ‘igan ng Philippine National Police (PNP). Dahil sa agarang pagtugon, aba’y naging malaking usapin ito sa taongbayan! Kapansin–pansin ang ‘di matawarang pag–arangkada ng PNP kontra ilegal na droga at krimen. Aligagang-aligaga ang pulisya. Take note, ngayon lang, kaugnay ng nasabing kampanya laban sa mga salot ng lipunan.
Isa nga bang malaking insulto ito kay PNoy mga ‘igan? Mantakin n’yo naman, anim na taon siyang nanungkulan,wala umano siyang nagawa upang tuldukan at puksain ang pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.
Ngunit, sa pahayag ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, naibahagi umano ng Aquino administration ang kanyang tungkulin partikular sa pulisya, ang mabigyan sila ng sapat na armas at ipagkaloob ang lahat ng kanilang pangangailangan tungo sa mahusay na pakikipaglaban sa mga lumalalang katiwalian at krimen sa bansa. Ganoon ba? Anyway, ang mahalaga ay malutas nila ang talamak na problema sa droga at krimen sa paligid.
Bumaba tayo mga ‘igan sa mga barangay. Marami rin pasaway diyan. Ayon sa aking pipit, may mga barangay chairman na pasimuno sa droga sa kanilang barangay. Naku, matuturete sila kay Duterte… at sa ating mga pulis. Wala umano silang sasantohin. Aba’y dapat lang naman! Para maintindihan nila kung paano nila sinisira ang buhay ng mamamayan.
Actually, sila dapat ang pumupukol sa mga tulisan sa kanilang barangay. Sa barangay pa lamang nila’y tinutuldukan na dapat nila ang mga katiwalian. Pero, sa kasamaang palad, sa pag–ikot–ikot ng aking Pipit, baliktad ang nangyayari. Maraming ilegal na gawain sa Barangay. Tulad ng illegal connection ng ilaw at tubig. Mismo ‘yung barangay chairman at barangay kagawad ang mga pasaway sa ganitong usapin. Sus, sila da-pat ang nagsisilbing ehemplo sa kanilang Barangay.
Sa pagsulong natin, kinakailangan angpagkakaisa ng sambayanang Filipino, tungo sa isang tahimik, payapa at maunlad na bansa. Buong puso tayong makiisa sa mga programa at proyekto ng mga namumuno o’ sa bagong papasok na pamunuan. Makialam na, nga-yon na! Kung hindi ngayon, kailan pa! Makiisa at makipagtulungan upang matuldukan ng lahat ang katiwalian sa bansa. Lalo ang ilegal na droga o mga ipinagbabawal na gamot, na unti-unting sumisira sa magandang kinabukasan ng kabataang na pag-asa ng ating bayan.