BUHAY at kamatayan ang nakataya sa pagkikita ng Star at Mahindra sa PBA Commissioner’s Cup mamayang 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 7 pm ay pipilitin ng Barangay Ginebra na buhayin ang kanilang tsansang makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa salpukan nila ng nangungunang Meralco.
Kapwa may 4-6 karta ang Hotshots at Enforcers at tabla para sa ikawalong pwesto. Ang mananalo ay papasok sa quarterfinals kung saan makakalaban ang Meralco na may twice-to-beat na bentahe. Ang matatalo ay tuluyang malalaglag tulad ng Blackwater, Globalport at Phoenix.
Ang Star at Mahindra ay kapwa natalo sa kanilang huling dalawang laro. Ang Hotshots ay nabigo kontra San Miguel Beer, 117-98 at Alaska Milk, 100-92.
Laban sa Beermen ay nagtamo ng calf injury ang two-time Most Valuable Player na si James Yap. Siya ay hindi makapaglalaro sa loob ng tatlong linggo.
Ang Mahindra ay natalo naman sa Meralco, 94-85 at Tropang TNT, 83-78.
Sa import match-up ay magduduwelo sina Ricardo Ratliff ng Star at Agustus Gilchrist ng Mahindra. Si Ratliff ay susuportahan nina Marc Pingris, Mark Barroca, Peter June Simon at Allein Maliksi. Si Gilchrist ay ttutulungan nina Nino Canaleta, Aldrech Ramos, LA Revilla at Karl Dehesa.
Tinambakan ng Barangay Ginebra ang San Miguel Beer, 110-84 sa kanilang huling laro para sa 6-4 record. Kung mananalo ang Gin Kings mamaya ay puwedeng magtabla sila ng Beermen sa ikalawang puwesto. Ito ay kung matatalo ang San Miguel sa Tropang TNT sa Biyernes. Kapag nagkaganito ay malamang sa makuha ng Gin Kings ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Si Barangay Ginebra coach Tim Cone ay umaasa kina Othyus Jeffers, Greg Slaughter, Japhet Aguilar, LA Tenorio at Mark Caguioa.
Kahit na nakatitiyak na ng twice-to-beat advantage , nais pa rin ni Meralco coach Norman Balck na manatiling matalas ang kanyang mga batang pinamumunuan nina Arinze Onuaku, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Chris Newsome, at Jimmy Alapag. ( SABRINA PASCUA )