PAPASOK sa huling dalawang playdates ng elimination round ng PBA Commissioner’s Cup, ang pinaglalabanan na lang ay ang huling ticket sa quarterfinals. Star at Mahindra ang siyang naghahangad na makuha ito.
Pero puwede pang magkaroon ng playoff sa Linggo. Hindi para sa huling quarterfinals berth kungdi para sa ikalawang twice-to-beat advantage.
Nakatitiyak na ang Meralco Bolts na makukuha ang isa sa top two spots dahil sa sure na itong No. 1 o No. 2 depende sa resulta ng huling laro ng San Miguel Beer. Ang Bolts ay may 8-2 record samantalang ang San Miguel Beer ay may 7-3. Kung matatalo ang Bolts sa Barangay Ginebra mamaya at magwawagi ang Beermen sa Tropang TNT sa Biyernes ay magtatabla sa 8-3 ang San Miguel at Meralco. Makakamit ng San Miguel ang No.1 spot dahil sa win-over-the-other rule.
Heto ang matindi.
Puwedeng magkaroon ng five-way tie para sa ikalawang puwesto sakaling manalo ang Gin Kings mamaya at magwagi ang Tropang TNT kontra San Miguel at manalo din ang Alaska laban sa NLEX sa pagtatapos ng elims sa Bieyrnes. Magtatabla ang Beermen, Tropang Texters, Gin Kings, Aces at Rain or Shine sa kartang 7-4.
Paano ngayon reresolbahin iyon?
Sa pagkakaalam ko ay isang playoff lang ang puwedeng mangyari. So, gagamitin muna ang quotient system para mairanggo ang mga koponan buhat sa ikalawa hanggang ikaanim na puwesto. Kapag nalaman na kung sino ang No. 2 at No. 3 teams, silang dalawa ang maglalaban para sa ikalawang twice-to-beat advantage,
Kaya mahalaga talaga ang scores sa labanan sa elimination round. Kung puwedeng tambakan ang kalaban, yun ang dapat na gawin. Kumbaga ay wala nang puwang sa gentleman’s game ngayon. Kailangang tambakan. Walang awa-awa!
Mahirap pang i-compute kung sino ang makakakuha ng ikalawang twice-to-beat advantage kaya’t hintayin na lang natin ang mangyayari sa susunod na dalawang playdates.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua