NAKASEGURO ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup ang Meralco Bolts matapos nilang talunin ang Mahindra sa kanilang out-of-town game sa Puerto Princesa, Palawan noong Sabado.
Iyon ang ikawalong tagumpay sa sampung laro ng Bolts. May isang game na lang silang nalalabi at ito ay kontra sa Barangay Ginebra sa Miyerkoles.
Pero kahit na ano pa ang mangyari sa larong ito ay naibulsa na ng Meralco ang isa sa top two berths sa katapusan ng elimnation round,
Siyempre, hindi ito nangangahulugang magpapapetik-petik na lang ang Bolts kontra Gin Kings. Nais nilang magwagi kontra sa pinakasikat na koponan sa bansa. Magsisilbi iyong morale booster papasok sa quarterfinals kung saan magkakaroon sila ng twice-to-beat advantage kontra sa ikawalo o ikapitong koponan sa pagtatapos ng elims.
Pero hindi iyon nangangahulugang didiretso sila sa semifinals. Kailangan pa rin nilang magwagi nang minsan kontra sa kanilang kalaban. Ang masaklap ay kung dalawang beses silang matatalo. Malalaglag din sila.
Heto ang siste. Sa pagkatalo ng Mahindra ay nagtabla sila ng Star Hotshots sa ikawalong puwesto. Maghaharap ang Enforcers at Hotshots sa Miyerkoles sa isang knockout game para sa huling quarterfinals berth.
Kung magwawagi ang Star, sila ang makakalaban ng Meralco sa quarterfinals. Mahirap na kalaban hindi ba?
Kumpara kasi sa Mahindra ay mas malakas ang local line-up ng Star. Kaya hindi nakakaseguro ang Meralco sa kanila.
So, hindi porke’t nasa itaas ng standings ang Bolts ay mamamalagi sila doon. Kailangang ng ibayong pagsisikap upang manatili sila sa itaas.
Hindi nga ba’t palaging sinasabi na kapag nasa itaas ka ay binabato ka at hinihila paibaba?
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua