KAHIT pa papalit-palit ng coaches ang Barangay Ginerba ay very consistent naman ang koponang ito sa pagpasok ng playoffs. Hindi natsutsugi ng maaga ang Gin Kings at laging nakararating sa susunod na round matapos ang eliminations.
Kumbaga’y kahit na sinong coach ang pahawakin sa koponang ito ay walang problema ang elimination round.
Hindi sila tulad ng ibang koponan na minsan ay umaalagwa pero minsan ay sumasadsad. Rollercoaster ika- nga ang performance ng mga ito.
Ilang coaches na nga ba ang humawak sa Barangay Ginebra buhat nang huli itong magkampeon? Ang problema ng Gin Kings ay pumapasok nga sila sa playoffs pero hanggang doon na lang. Hindi na sila muling nagkampeon. Katunayan ay hindi na nga sila muling nakarating sa Finals!
Kaya nga balasa nang balasa ang pamunuan ng Barangay Ginebra dahil naghahanap sila ng coach na makakaakay sa kanilang prangkisa tungo sa Finals. At sa isa pang kampeonato.
Medyo upbeat ang lahat nang malipat si Tim Cone sa kampo ng Gin Kings sa simula ng season na ito. Pero hindi naman nakarating kaagad sa Finals ang Barangay Ginebra dahil sa nasilat sila ng Globalport sa quarterfinals. Nalaglag din sila kaagad.
Well, mukhang getting-to-know-you period lang muna iyon. Mukhang ngayon ay for real na ang Gin Kings?
Nasungkit na kaagad ng Barangay Ginebra ang quarterfinals berth noong Linggo nang tambakan nila ang San Miguel Beer, 110-84 at makaakyat sa ikaapat na puwesto.
May tsansa pa silang masungkit ang isa sa top two spots para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals sakaling magkagulo sa resulta ng mga laro sa natitirang playdates.
Anu’t anuman, ang misyon ngayon ni Cone ay maigiya muna sa semifinals ang Gin Kings. Pag nakapasok na sila doon, saka na nila iisipin ang Finals.
One step at a time iyan. Pero kailangan ay sigurado ang tapak ha. Hindi yung padaskul-daskul at baka madapa pa!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua