KOKOMPLETUHIN ng Phoenix Accelerators ang Cinderella Finish sa pagkikita nila ng Cafe France sa Game Two ng best-of-three finals ng PBA D-League Aspirants Cup mamayang 12 ng tanghali sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Napanalunan ng Phoenix ang Game One, 82-78 noong Huwebes at kung makakaulit ito mamaya ay tuluyan na nitong maiuuwi ang korona.
Ang Phoenix ay magiging ikalawang koponan na makakumpleto ng Cinderella Finish matapos na ito ay gawin ng Hapee Toothpaste noong nakaraang season.
Hindi na halos pinaporma ng Accelerators ang Bakers at nakalamang kaagad sa first quarter, 17-12. Napalaki nila ang agwat sa 12 puntos, 41-29 sa halftime break at bumulwak pa ito sa 65-50 matapos ang tatlong quarters.
Kaya naman kahit na nakagawa ng rally ang Bakers ay kinapos sila sa dakong huli.
Nagkaganito man ay kompiyamsa pa rin si Cafe France coach Edgar Macaraya na maitatabla nila ang serye at mapupuwersa ang rubber match Game Three sa Huwebes. Hangad ng Cafe France na maiuwi ang ikalawang sunod na titulo matapos na mamayagpag sa nakaraang Foundation Cup.
Upang makaulit ang Cafe France ay kailangan na mamayagpag nang husto ang Conngolese center na si Rodrigue Ebondo. Bukod dito, ang iba pang kamador ng Bakers ay sina Paul Zamar, Jess Villajermosa, Samboy de Leon, Bryan Cryz at Aaron Jeruta.
Inaasahan naman ni Phoenix coach Erick Gonzales ang mga Far Eastern University Tamaraws na sina Mike Tolomia, Roger Pogoy, Russell at Richard Escoto, ReyMar Jose, Alfredo Tamsi at Southeast Asian Games veteran Mac Belo. Kabilang sa naidagdag ni Gonzales sa line-up ang UST point guard na si Ed Daquioag at sentrong si Yutien Andrada.
( SABRINA PASCUA )