MEDYO masikip na ang daan tungo sa quarterfinals para sa Star Hotshots
Ito ay matapos na makalasap ng back-to-back na kabiguan ang Hotshots at bumagsak sa 4-6 record.
Sayang! Kasi, bago ang mga kabiguang iyon ay nakapagrehistro ng tatlong sunud-sunod na tagumpay ang Star. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa career ni Jason Webb bilang coach sa PBA na nagkaroon siya ng winning streak.
Pero bumagsak sa lupa ang Hotshots nang sila ay tambakan ng San Miguel Beer, 117-98 noong Marso 27. Sa larong iyon ay hindi nakasama ng Beermen sina June Mar Fajardo, Arwind Santos at Ronald Tubid subalit tinambakan pa rin nila ang Hotshots.
Ang masaklap ay nagtamo ng calf injury si James Yap sa fourth quarter at hindi natapos ang laro. Kailangang magpahinga ng tatlong linggo ni Yap kaya hindi na siya makakalaro hanggang dulo ng elims. At kung hindi makakarating ng semis ang Hotshots, aba’y sa third conference na siya makakabalik.
Kahit na wala si Yap ay nakapagbigay ng magandang laban ang Hotshots kontra sa Alaska Milk sa kanilang out-of-town game noong Sabado sa Davao City. Lumamang pa nga ang Hotshots, 70-68 sa dulo ng third quarter.
Tumukod sila sa dulo dahil hindi nila mapigilan ang pananalasa ni Calvin Abueva, Natalo sila, 100-92 at nanatili sa ikasiyam na puwesto.
Kapag hindi sila nakaalis sa puwestong iyon hanggang dulo ng elims ay tsugi na sila. Hindi kasi uusad ang No. 9 hanggang No. 12 teams sa quarterfinals.
Pero may manipis na tsansa ang Hotshots at ito ay kung matatalo ng dalawang beses ang Mahindra Enforcers. Minsan lang matalo ang Enforcers ay mahahawakan na ng Hotshots ang kanilang kapalaran.
Kasi, sila ang huling kalaban ng Mahindra sa Abril 13. At kung tatalunin nila ang Mahindra, magtatabla sila sa 5-6 karta at papasok sila sa susunod na round via winner-over-the-other rule.
So puwede pa. Pero hindi puwedeng daanin lang sa dasal. Kailangan ay trabahuhin talaga ng Hotshots!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua