MATAPOS na makumpleto ang pagwalis sa magkahiwalay na kalaban sa semis, sisimulan ng Cafe France at Phoenix Petroleum ang best-of-three serye para sa kampeonato ng PBA D-League Aspirants Cup mamayang hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Halos parehas ang laban ng Bakers at Fuel Accelerators na naghahangad na makauna agad sa Game One na magsisimula sa ganap na 3 pm.
Tinalo ng Cafe France ang Tanduay Light sa Game One (65-58) at Game Two (72-63). Dinaig naman ng Phoenix ang CaIda Tiles sa Game One (90-83) at Game Two (94-90).
Nais ng Bakers ni coach Edgar Macaraya na maisubi ang ikalawang sunod na titulo matapos na mamayagpag sa nakaraang Foundation Cup.
Hangad naman ni Phoenix coach Erick Gonzales na matularan ng Fuel Accelerators ang nagawa ng Hapee Toothpaste na kumumpleto ng Cinderella finish noong nakaraang season.
Ang Phoenix Petroleum ay binubuo ng nucleus ng Far Eastern University Tamaraws na nakampeon sa UAAP noong nakaraang season. Kabilang sa inaasahan ni Gonzales sina Mike Tolomia, Roger Pogoy, Russell at Richard Escoto, ReyMar Jose, Alfredo Tamsi at Southeast Asian Games veteran Mac Belo.
Ang Cafe France ang natitirang founding member ng liga. Matapos ang apat na taon ay natikman din ng Bakers ang kampeonato matapos na talunin sa Finals ang Hapee Toothpaste.
Main man ng Cafe France ang Congolese sentrong si Rodrigue Ebondo kasama ang mga kakampi niya sa Centro Escolar University na sina Alvin Abundo, Aaron Jeruta at Joseph Ryan Celso.
Naidagdag ni Macaraya sa kanyang line-up sina Bryan Cruz, Jess Mar Villahermosa, Jamison Cortes Paul Zamar, at Samboy de Leon.
( SABRINA PASCUA )