KAPWA naghahangad ng ikalawang sunod na panalo ang Caida Tiles at UP QRS Jamliner na magsasalpukan sa PBA D-League Aspirants Cup mamayang 4 pm sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Sa unang laro sa ganap na 2 pm, magtutuos naman ang AMA University Titans at Mindanao Aguilas na nais na buhayin ang pag-asang makarating sa quarterfinals.
Matapos na mapatid ang three-game winning streak nang maungusan ng Cafe France (90-87) ay nakabawi ang Tile Masters sa pamamagitan ng masterful 108-91 panalo kontra Phoenix Accelerators noong Pebrero 15.
Sa araw na iyon ay nagwagi rin ang UP QRS Jamliner kontra sa Mindanao Aguilas, 100-75 upang makabangon sa 98-84 kabiguang sinapit buhat sa Phoenix-FEU. Ang Fighting Maroons ay may 3-2 record.
Kontra sa Phoenix, ang Caida Tiles ay pinamunuan ng Southeast Asian Games veteran na si Jiovani Jalalon na nagtala ng 21 puntos. Limang iba pang Tile Masters ang nagtapos nang may double figures sa scoring at ito ay sina Philip Paniamogan (19), Jayson Perkins (12), Jonathan Grey (11), Rey Nambatac (11) at Chris Javier (10).
Ang mga estrelya ni UP coach Bert dela Rosa ay sina Kevin Ferrer, Paul Desiderio, Raymond Aguilar at Juneric Baloria.
Ang AMA Titans at Mindanao Aguilas ay kapwa may iisang panalo sa limang laro. May tatlong laro pa sila at kailangang mawalis nila ito upang makarating sa susunod na yugto.
Si AMA coach Mark Herrera ay sasandig kina Mark Romero, Julian Sargent, Bobby Balucanag, Jammer Jamito at Rashawn MaCarthy.
( SABRINA PASCUA )