MAY problema nga sa utak ang import ng Tropang TNT na si Ivan Johnson. Aba’ý matapos na masuspindi ng isang laro at pagmultahin ng P50,000, hayun na naman at muli siyang nag-alboroto noong Linggo.
Dalawang technical fouls ang naisampal sa kanya sa laro ng Tropang Texters kontra Meralco Bolt. Bale 16 minuto lang ang kanyang inilagi sa hardcourt bago tuluyang na-thrown out matapos ang insidente sa kanilang dalawa ni Brian Faundo.
Pero hindi doon natapos ang lahat.
Bago tuluyang lumabas ng hardcourt ay minura ni Johnson si PBA Commissioner Chito Narvasa at kung anu-ano pa ang sinabi.
Ang resulta: Tsugi na siya sa liga!
Hindi pa natatapos ang TNT-Meralco game ay dinesisyunan na ni Narvasa ang kapalaran ni Johnson at pinatawan ito ng lifetime ban bukod sa pinagmulta ng P250,000.
Masakit iyon para sa Tropang TNT dahil sa mapipilitan silang maghanap ng kapalit agad-agad. Kahit na umapela sila sa PBA Commissioner’s Office ay malamang na hindi sila pagbigyan. Ito kasi ang ikalawang pagkakataong binastos ni Johnson si Narvasa. Ang unang pagkakataon ay noong bago nagsimula ang Commissioner’s Cup at nagkaroon ng workshop para sa mga broadcasters. Nilayasan umano ni Johnson ang workshop matapos na hindi sumang-ayon sa sinabi ni Narvasa.
Lahat ng imports ay nasa workshot at siya lang ang lumayas!
Pinalampas iyon ni Narvasa.
Pero nang umulit ang kabastusan ni Johnson ay napuno na ang commissioner.
Si Johnson ang ikalawang import na napatawan ng lifetime ban. Ang una ay ang San Miguel import na si Renaldo Backman noong 2013.
Siyempre, may back up plan naman ang Tropang TNT. Pero hindi natin masasabi kung makakapag-adjust kaagad ang kapalit ni Johnson.
Mabuti na lang at maagang nangyari ang pagkakasibak kay Johsnon. May pagkakataon pa ang Tropang Texters na makabawi.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua