PAGTABLA ang target ng defending champion San Miguel Beer sa muling pagtutuos nila ng Alaska Milk sa Game Six ng PBA Philippine Cup best-of-seven championship series mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Muling nanaig sa overtime ang Beermen sa game Five, 86-73 noong Miyerkoles upang ibaba ang kalamangan ng Aces, 3-2. Nanalo rin sa overtime ang Beermen sa Game Four, 110-104.
Dahil sa magkasunod na panalo ay nalipat sa poder ng Beermen ang momentum. Kung muli silang magwawagi mamaya at maitatabla ang serye, 3-all, ang Game Seven ay gaganapin sa Miyerkoles sa Mall of Asia Arena.
Sa kasaysayan ng PBA ay wala pang koponang nakabalik sa 3-0 abante ng kalaban sa Finals.
Mas gumanda ang tsansa ng Beermen na makatabla dahil sa nagbalik na sa active duty ang reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo. Bagamat hindi naman nagamit nang husto, si Fajardo ay nagtala ng 13 puntos at dalawang rebounds sa 16 minuto.
Bukod sa pagbalik ni Fajardo ay gumanda rin ang performance ni Arwind Santos na lumaylay sa unang apat na games ng serye. Si Santos, na itinanghal na MVP ng liga noong 2013, ay nagtapos ng may 22 puntos, 16 rebounds, tatlong assists, tatlong steals at apat na blocked shots.
Si Chris Ross, na siyang bida sa panalo ng Beermen sa Game Four ay nagtapos ng may walong puntos at tatlong steals. Dalawa sa mga agaw na iyon ay nangyari sa overtime.
Nag-ambag din ng double figures sa scoring sina Alex Cabagnot (12 puntos) at Marcio Lassiter (11).
Sinabi ni Alaska Milk coach Alex Compton na nakahanda naman ang Aces sa pagbabalik ni Fajardo. Pero iginiit na mahirap manalo dahil sa natawagan sila ng 20 fouls higit pa sa Beermen.
Ang Aces ay pinangunahan ni Vic Manuel na nagtala ng 25 puntos. Kung magkakampeon ang Aces mamaya ay siguradong si Manuel ang mapararangalan bilang Cignal-PBA Press Corps Most Valuable Player of the Finals.
( SABRINA PASCUA )