SASAMANTALAHIN ng Alaska Milk ang pagkawala ni June Mar Fajardo at sisikaping maibulsa ang ikalawang panalo kontra San Miguel Beer sa Game Two ng PBA Philippine Cup best-of-seven championship series mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Napanalunan ng Aces ang series opener, 100-91 noong Linggo matapos na mablangko ang Beermen sa huling 1:57 at gumawa ng 9-0 remate.
Bagama’t hindi nakapaglaro ang reigning Most Valuable Player ay nagawa ng San Miguel na umabante ng 12 puntos, 78-66 nang simulan ni Yancy de Ocampo ang fourth quarter sa pamamagitan ng isang three-point shot.
Pero hindi napanatili ng Beermen ang intensity. Humigpit ang depensa ng Aces sa fourth quarter at pinuwersa ang Beermen sa pitong turnovers.
Huling nagtabla ang score, 91-all sa three-pointer ni Alex Cabagnot. Pero nanahimik na ang Beermen mula roon.
Gumawa ng reverse lay-up si Vic Manuel, nagpakawala ng three-pointer si JVee Casio at tig-isang baskets sina Chris Banchero at Baguio upang tapusin ng Aces ang Beermen.
“We really don’t know when Fajardo will be back. San Miguel is silent about that. I would be too if my player is injured,”ani Alaska Milk coach Aex compton na naghahangad na mapanalunan ang kanyang kaunaunahang kampeobato sa PBA.
Si Fajardo ay nagtamo ng knee injury sa Game Six ng semis laban sa Rain or Shine. Magkakaiba ang reports hinggil sa kanyang sitwasyon. Ayon kay team manager Gevacio Abadilla ay walang problema ang tuhod at nabugbog lang. Pinagpapahinga lang ito ng Beermen.
Ayon sa ilang Miguel Beer insiders ay ubrang bumalik si Fajardo sa laro para sa Game Two subalit mas malamang na sa GaMe Three na magamit.
Magkaganito man, ipinapangako ni coach Leovino Austria na pipilitin ng Beermen na maitabla ang serye dahil ayaw nilang mabaon nang husto sa pagbabalik ni Fajardo.
Inaasahan ni Austria na makakabawi si Arwind Santos sa masagwang performance sa Game One kung saan nalimita siya sa apat na puntos at nag-foul out pa.
Makakatuwang ni Santos sina Marcio Lassiter, Chris Ross, Chris Lutz at Ronald Tubid.
( SABRINA PASCUA )