Mas mabigat na parusa vs gun ban violators (Babala ng DILG)
Hataw
January 12, 2016
News
DOBLENG kaparusahan ang kahaharapin ng sino mang lalabag sa umiiral na Comelec gun ban.
Ayon kay DILG Sec. Mel “Senen” Sarmiento, batay sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Comelec, lalabas na dalawa ang posibleng kaharapin ng isang violator.
Ito ay illegal possesion of firearms at paglabag sa gun ban na kabilang sa Omnibus Election Code.
Sinabi ni Sarmiento, kapwa may kaparusahan ang nabanggit na paglabag ng anim na buwan hanggang anim na taon pagkakakulong.
Kaya paalala ni Sarmiento sa gun owners na nasanay nang magbitbit ng kanilang baril, na kumuha muna ng exemption sa Comelec.
1ST day checkpoint implementation ok sa Comelec
KONTENTO si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa performance ng PNP sa pagpapatupad Comelec checkpoint sa unang araw ng election period sa buong bansa bilang paghahanda sa 2016 presidential elections.
Siniguro ni Bautista, magiging maayos ang isasagawang checkpoint operations dahil sumailalim sa training ang mga personnel na magmamando rito.
Humingi ng pang-unawa si Bautista lalo na sa mga maaapektuhang motorista dahil sa abala na idudulot ng checkpoints.
Aniya, ginagawa lamang ng Comelec ang nararapat para sa kaligtasan ng publiko sa papalapit na halalan.
Habang siniguro ni PNP Chief Ricardo Marquez na susunod ang PNP sa checkpoint guidelines na inisyu ng Comelec.
Nabatid na nagsimula na ang pagpapatupad ng Comelec checkpoint kamakalawa at magtatapos sa Hunyo 8.
14 katao arestado sa gun ban, 15 armas kompiskado (Sa datus ng PNP)
UMABOT na sa 14 indibidwal ang naaresto ng PNP sa ikalawang araw na pagpapatupad ng Comelec gun ban habang 15 baril ang nakompiska.
Sa datus ng PNP, may naitalang kompiskasyon ng baril sa Regions 13, 10 at 7, dalawa sa region 4-A at tig-isa sa ARMM at Negros island region.
May iba pang mga nakompiskang items na aabot sa 12, pinakamarami rito ang ammunitions o bala, deadly weapons, at replica ng mga baril.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt Wilben Mayor, karamihan sa nakompiskang mga baril ay isinasagawang checkpoint operations.
Sa ngayon, mayroon na aniyang 1,661 Comelec checkpoints ang naipakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Layunin ng checkpoint operations na masawata ang paglaganap ng loose firearms sa buong panahon ng kampanya at eleksyon kasabay ng pag-iral ng gun ban policy ng comelec.