AKALAIN mo yun!
Wala na ngang mapapala pa ang NLEX sa pagsungkit ng panalo ay ibinigay pa ng Road Warriors ang makakaya nila upang palungkutin ang Pasko ng Rain Or Shine Elasto Painters.
Nagbalik ang NLEX sa 13 puntos na kalamangan ng Rain Or Shine sa dulo ng third quarter upang pataubin ang Elasto Painters, 111-106 noong Sabado. Bunga ng pagkatalo ay nabigo ang Rain Or Shine na makadiretrso sa semifinals.
Kung nagwagi kasi ang Rain Or Shine ay magkakaroon ng three-way tie para sa unang puwesto na kabibilangan ng Rain Or Shine, Alaska Milk at San Miguel Beer.
Dahil tinalo ng Elasto Painters ang Aces at Beermen, automatic na No. 1 sila at pasok agad sa semis. Magkakaroon sana ng playoff para sa No. 2 spot at outright semis berth sa pagitan ng Aces at Beermen sa Miyerkoles
Pero hindi na mangyayari yon.
Sa halip ay nakadiretso sa semis ang San Miguel at Alaska Milk. Makakalaban naman ng Rain Or Shine ang No. 10 seed o ang nagwagi sa duwelo ng Blackwater at Mahindra kagabi.
Pero kahit na may twice-to-beat advantage ang Elasto Painters ay puwede silang masilat. Ito ay kung magkukumpiyansa sila’t hindi magseseryoso.
Para naman sa NLEX ay nagtapos ito sa ikapitong puwesto at kakailanganing magwagi ng dalawang beses kontra sa No. 6 seed kaninuman sa TNT o Barangay Ginebra ito depende sa laro ng dalawa kagabi.
Mahirap na misyon dahil mas malakas ang Gin Kings at Tropang Texters. Pero tumaas naman ang morale ng Road Warriors matapos na talunin sa kauna-unahang beses ang Rain Or Shine. Umaasa si coach Boyet Fernandez na makakalampas sila sa mas malaking pagsubok na ito!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua