KAPWA asinta ng Alaska Milk at NLEX ang ikatlong sunod na panalo sa kanilang pagtatagpo sa PBA Philippine Cup sa ganap na 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 7 pm ay bahagyang pinapaboran ang Rain Or Shiine kontra Barako Bull.
Ang Aces ay nakabangon na sa 93-92 pagkatalo sa Barangay Ginebra sa Dubai noong Nobyembre 6 sa pamamagitan ng back-to-back na panalo laban sa Globalport (123-104) at Star Hotshots (107-103) para makasalo ang defending champion San Miguel Beer sa itaas ng standings sa kartang 5-1. Kung magwawagi ang Aces mamaya ay makakamtan nila ang solo liderato.
Ginulat naman ng NLEX ang TNT (107-101) bago nasilat sa Meralco (93-91) para sa 4-2 record.
Walang kapagurang depensa at balanseng opensa ang mga sandata ng Aces. Kabilang sa mga inaasahan ni coach Alex Compton sina Sonny Thoss, Calvin Abueva, JVee Casio Cyrus Baguio at Vic Manuel.
Pinuno ng NLEX ang beteranong si Paul Asi Taulava na siyang pinakamatandang manlalaro ng liga. Subalit ang panibagong main man ng Road Warriors ay si Sean Anthony.
Tinambakan ng Rain Or Shine ang Blackwater, 103-81 sa kanilang huling laro para sa 4-1 karta. Natalo naman ang Barako Bull sa San Miguel Beer, 106-105 upang bumagsak sa 3-3.
Hindi pa rin nakapaglalaro para sa Elasto Painters si Paul Lee subalit ang kanyang pagkawala ay pinupunan nina Gabe Norwood, Beau Belga, Jeff Chan, Raymond Almazan at Jericho Cruz.
Ang Barako Bull ay pinamumunuan nina JC Intal, RR Garcia, Josh Urbiztondo, Mick Pennisi at Willie Wilson.
Bukas ay lipat sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ang mga laro kung saan magkikita ang Mahindra at Meralco sa ganap na 3 pm at magtutunggali ang San Miguel Beer at Star sa ganap na 5:15 pm.
( Sabrina Pascua )