HINDI exclusive ang kontrata ni Michael V sa GMA 7 kaya nagkaroon ng contract signing saTV5 para sa bagong show na Killer Karaoke Pinoy Naman na magsisimula sa Nov. 16, Sabado.
Kagustuhan talaga ni Michael V na hindi magpatali sa kahit anumang network para hindi ma-restrict ‘yung creativity niya at hindi siya mapipilitan na gumawa ng show na hindi niya gusto.
“Ako, naiirita ako roon sa mga nagsasabi na, ‘O kaya lilipat iyan, kasi pipiratahin ng TV5,’ ganyan, blah-blah-blah. Eh, hindi naman ganoon ‘yun, eh, hindi ganoon ang kaso palagi. Most of the talents na lumilipat sa TV5 ay dahil nagustuhan nila na gumawa ng project with another network,” deklara pa niya.
Inspirasyon ni Bitoy at peg niya sina Joey de Leon at Vic Sotto na nakatatawid sa TV5 kahit may mga show sila sa GMA 7. Kasalukuyang shows ni Michael sa Kapuso Network ang Pepito Manaloto, Bubble Gang, at Eat Bulaga.
Wish din ni Bitoy na magkaroon ng reunion sa Killer Karaoke ang mga rating kasamahan niya sa Bubble Gang na sina Ogie Alcasid at Wendell Ramos. Ganoon di kay Gelli De Belen na kasamahan niya sa Tropang Trumpo.
“’Yun ay kung papayag silang mag-guest sa show ko, na alam naman nating hindi lang basta kakanta, dahil dadaan pa sila sa kung ano-anong challenges. Si Ogie kasi, takot iyan sa mga ahas at sa matataas. Si Wendell, takot mapag-isa.”
Ilan sa mga celebrity ng TV5 na gusto niyang maglaro sa Killer Karaoke ay sina Aga Muhlach, Alice Dixson, at Rufa Mae Quinto.
Ibinuking naman ni Ma’am Wilma Galvante, chief entertainment content officer ng TV5 na si Ogie ang guest sa kanyang initial telecast. Buong ningning na sinabi ni Ogie na takot siya sa ahas kaya nagbiro si Ma’am Wilma na gagamba na lang ang makakasama niya sa Killer Karaoke.
Talbog!
Roldan Castro