HINDI malilimutang araw sa buhay ng teleserye princess na si Andrea Brillantes ang naganap noong Sabado (Oct. 19) dahil ito ang araw na naging isa na siyang ganap na Katoliko. Muslim kasi ang ama ni Andrea at ngayon lang na-convert ang religion niya.
Sa edad na 10 ay ngayon nga lang nabinyagan si Andrea kaya naman ganoon na lang ang tuwa ng Annaliza star nang nagsama-sama ang kanyang mga mahal sa buhay sa loob at labas ng showbiz sa kanyang binyag na ginanap sa Divine Mercy Chapel sa Quezon City.
Kabilang sa mga dumalo bilang ninong at ninang sina ABS-CBN Broadcast head Cory Vidanes, ABS-CBN TV Production head Laurenti Dyogi, ABS-CBN Business Unit Head Ruel Bayani, Zanjoe Marudo, Patrick Garcia, Carlo Aquino, Kaye Abad, Denise Laurel, Wendy Tabusalla, Joel Cruz, at Cathy Valencia.
Patuloy na tinatangkilik si Andrea ng mga manonood gabi-gabi sa primetime bilang si Annaliza. Hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin ang family drama sa national TV ratings.
Mas iinit pa ang kuwento sa napipintong banggaan nina Lazaro (Patrick Garcia) at Guido (Zanjoe Marudo) at nina Isabel (Denise Laurel) at Stella (Kaye Abad). Hanggang saan hahantong ang labanan ng dalawang ama at labanan ng dalawang ina? Papayag ba si Guido sa gusto ni Lazaro na layuan na nito si Annaliza? Totohanin kaya ni Lazaro ang bantang dadalhin sa US si Annaliza sa oras na sumuway si Guido?
Huwag nang bibitiw sa makapigil-hiningang mga eksena sa Annaliza gabi-gabi, bago mag-TV Patrol sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Roldan Castro