SINUSPINDE ng pamahalaang lokal ng Maynila ang klase sa lahat ng antas ng mga paaralan upang bigyan-daan ang magkakasabay na grand medical at dental missions na isasagawa ng Iglesia ni Cristo (INC) bukas (Oct. 14) sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Sa kanyang kautusan, hinayaan ni Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga opisyal o namumuno sa iba’t ibang pampubliko at pampribadong tanggapan ang pagsususpinde sa trabaho sa araw na ito na tinatayang may 1.6 milyon miyembro at iba pa ang inaasahang dadagsa sa nasabing malaking aktibidad ng INC.
Ang nasabing pagsususpinde ay ginawa upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan at masigurong ligtas ang lahat lalong-lalo na ang mga mag-aaral.
Napag-alaman na ang malaking okasyon na tinawag na “Kabayan Ko, Kapatid Ko Lingap sa Mamamayan” at pinangungunahan ng FYM Foundation ng INC ay isang bahagi lamang ng malawakan at mas magarbong pagtitipon na isasagawa ng maimpluwensyang religious group bilang pagdiriwang sa darating na Grand Centennial Anniversary nila sa Hulyo 27, 2014.
“Isang mahalagang bahagi lamang ito ng mas marami pang programa na isasagawa ng pamunuan ng INC bilang handog sa lahat ng tao kahit ano pa man ang kanilang kinaaanibang grupong relihiyon. Ito ay para sa lahat,” ayon sa isang opisyal nito.
Nabatid na ang nasabing medical at dental missions ay sabay-sabay na magaganap sa Laguna, Cavite, Cebu, Legazpi, La Union, Lucena at maraming lugar sa Maynila kasama rito ang sa Legarda area o mismo sa harapan ng San Sebastian Church.
Ayon sa mga ilang tao na nakabatid ng isasagawang medical mission ng INC, mahalagang nakaplano na ang mga awtoridad lalong-lalo na ang pulisya at traffic department ng lungsod upang mas epektibong maiayos ang trapiko lalo sa araw mismo nito para hindi maapektohan ang maraming tao.
“Kung sinasabing may ilang milyong tao at miyembro ang darating upang magpagamot at makinabang sa gagawing medical at dental missions ng INC, aba’y dapat lamang na maging handa ang mga awtoridad upang masigurong maayos ang trapiko malapit sa lugar ng pagdarausan at ligtas ang lahat,” sabi pa nila.
”Ang mga traffic unit ng lungsod, dapat lang siguro na may rerouting plan o alternate routes silang gagawin upang maging maayos ang daloy ng mga sasakyan at maging normal ang sitwasyon sa kabila ng maraming tao na dadagsa sa nasabing medical mission ng INC,” ayon pa sa kanila.
Ang gagawing medical mission ng INC ay isang kapaki-pakinabang na proyekto dahil maraming tao lalo na ang mahihirap o salat sa buhay na may sakit at hindi kaya ang mataas at mahal na pagpapagamot ang mabibiyayaan nito kaya dapat lang na masuportahan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga pulis at pagsasaayos ng trapiko, pagtatapos nila.
ni JERRY YAP