NAKIKIRAMDAM daw sa ngayon si Senate President Franklin Drilon kung pwede siyang lumahok sa karera ng pangalawang pangulo ng bansa sa 2016 election.
Ito ang nilalakarang daan ngayon ni Drilon na ayon sa mga political analyst sa bansa ay isang matinding pagtalon sa karerang politikal ng mambabatas mula sa Iloilo dahil hindi naman ganoon kabango ang pangulo ng Senado sa taumbayan.
Maging ang kanyang mga iniakdang batas ay wala namang impact sa tao kaya’t kung inyong papansinin ay hindi ito gaanong popular sa masang mamboboto at katibayan na nga nito ang hindi pagpasok sa top 3 slots sa lahat hg senatorial elections na nilahukan nito.
Sa ngayon ay ikot-Marino raw ang ginagawa ni Drilon sa bansa dahil parte na ito ng kanyang kampanya at pagkapa sa pulso ng mamamayan.
Maging ang Liberal Party officials ay tinimbrehan na rin daw na pulsuhan ang taumbayan dahil ayaw daw ng grupo ni Roxas na kumuha ng outsider para gawing tandem ng asawa ni Korina.
Katunayan ay nito lamang nakalipas na convention ng barangayan ng Bulacan sa Davao City ay nagpahiwatig na raw ng pagpapapogi sa mga kapitan si Drilon na lubhang ikinahalata naman ng mga Bulakenyo.
Kakaibang mensahe ang binitawan ni Drilon sa barangay officilas dahil para raw kampanya na sa 2016 ang mga ipinahayag nito.
‘Yan ang latest ngayon sa LP at iyan ang dapat tandaan ng mamamayan dahil panahon na ngayon ng pagpapapogi at lokohan.
***
Para hindi nahuhusgahan ng mamamayan si PNoy na may tinititigan sa usapin ng PDAP ay panahon na rin siguro para maghoyo ng isa niyang kapanalig sa partidong Liberal.
Ito ang dapat gawin ni PNoy dahil ito lamang ang paraan para maalis ang agam-agam ng taumbayan na ang kanyang panunungkulan ay may kinikilingan.
Isang mataas na opisyal ng kanyang admi-nistrasyon ang kanyang dapat isampol at ito ang inaabangan ng taong bayan.
Selective at panggigipit ang binibitiwang pahayag ng tatlong senador na idinemanda ng plunder kaya’t dito dapat niyang patunayan sa publiko ang kanyang tuwid na daan ng panunungkulan.
Mabigat ang hamon ngayon ng publiko kay PNoy kaya’t dapat niyang patunayan na ang kanyang administrasyon ay walang ipinag-iba sa ibang nanungkulan sa Palasyo.
Isang miyembro ng Gabinete ang dapat isunod ni PNoy kina Senador Bong Revilla, Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada at iyan ang ina-antay ng publiko.
Alvin Feliciano