NASUKOL ng magkasanib na operatiba ng Pasig PNP at CamSur PNP ang 42-anyos wanted sa kasong syndicated estafa sa Sitio Caburas, Mambulo Nuevo, sa bayan ng Libmanan, lalawigan ng Camarines Sur, nitong Miyerkoles, 1 Hunyo.
Kinilala ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng Pasig PNP, ang suspek na si Arnold Alzate, Jr., 42 anyos, pinaniniwalaang miyembro ng Enduma Brothers Investment Scam Syndicated Group sa ilalim ng “OPLAN Hustler” at residente ng naturang lugar sa Camarines Sur.
Nadakip ang suspek dakong 4:30 pm kamakalawa, ng magkakasanib na puwersa ng Pasig Intelligence Unit, Sipocot MPS, Pasig SDMS, EPD, DID, CIDG Eastern MMDFU, at Libmanan MPS, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Maria Gracia Cadiz-Casacalang, ng Pasig City RTC Branch 155, Pasig City sa kasong Syndicated Estafa, may petsang 28 Pebrero 2022.
Ayon kay Arugay, halos isang buwan nang nagsagawa ng casing at series of surveillance ang joint operatives ng Intelligence bago nasakote ang akusadong wanted sa probinsiya. (EDWIN MORENO)