ARESTADO ng mga awtoridad ang isang 60-anyos lalaking wanted sa dalawang bilang ng kasong panggagahasa sa lungsod ng Pasig, nitong Martes, 15 Marso.
Sa ulat ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng Pasig PNP, kay Eastern Police District Director P/BGen. Orlando Yebra, kinilala ang suspek na si Reynaldo Mongas, 60 anyos, residente sa Sitio Burol, Taytay, Rizal.
Nagsagawa ng manhunt operation ang mga kasanib na puwersa ng DMFB Intelligence Section, Pasig Sub-Station 7,EDIT-NCR IG, DID-EPD at WCPC Luzon Field Unit at DIDM Crame ni P/Capt. Dindo Taneo, Chief Intelligence Section dakong 5:55 pm nitong Martes laban sa suspek habang papatakas sa East Bank Road, Brgy. Sta. Lucia, sa lungsod.
Paniwala ng mga operatiba, dumalaw sa kaniyang pamilya ang suspek at papatakas nang masakote ng mga alagad ng batas.
Ayon sa pulisya, may warrant of arrest laban sa suspek na inisyu ni Presiding Judge Carmencita V. Lacandazo Logan, ng Branch 12 Family Court ng Pasig City RTC para sa dalawang bilang ng kasong Rape sa ilalim ng Article 266-A par 1 (d) ng RPC na inamiyendahan ng RA 8353 kaugnay ng section 5 (a) ng RA8369.
Nasa talaan rin ng mga awtoridad si Mongas bilang top 8 most wanted sa District level (1st quarter) ng pulisya. (EDWIN MORENO)