KALIWA’T KANANG panunutok ng baril, harassment, at pagdukot ang nararanasan ng may 200 residente at magsasaka mula sa mga opisyal at mga tauhan ng Masungi Georeserve sa Sitio San Roque, Brgy. Pinugay, sa bayan ng Baras, lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Jay Sambilay, humihingi ng saklolo ang 200 miyembro ng Sitio San Roque Association at Farmers and Habitants Association kay Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi makataong trato sa kanila ng mga opisyal ng Masungi Georeserve na kinilalang sina Ben Dumaliang, Ann Dumaliang, at Billie Dumaliang, at kanilang mga tauhang armado ng baril.
Nanawagan ang grupo sa Office of the Mayor ng Baras, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at ahensiya para sa kapaligiran at likas na yaman na imbestigahan ang ilegal na aktibidad at mga panunutok ng baril, pananakot sa mga magsasaka, paggiba ng bahay at pagbakod sa mga daanan ng mga residente sa Masungi.
Ipinanawagan ng grupo kay DENR Secretary Roy Cimatu ang kuwestiyonableng memorandum of agreement (MOA) na nailabas bago makompirma ng Court of Appeals (CA) ang posisyon ng yumaong si Gina Lopez.
Sa ngayon, ayon sa mga residente, patago silang nakabalik sa kani-kanilang tahanan sa pagdaan sa masukal na gubat dahil lahat ng daan ay binakuran na ng Masungi Georeserve at may multa umanong P5,000 at pagkakakulong sa mga mahuhuling lumalabag.
Batay sa dokumentong inilabas ng mga magsasakang miyembro ng asosasyon, taong 2017 nang makakuha ng kuwestiyonableng MOA ang Masungi Georeserve sa katauhan ng pamilya Dumaliang, sa 2,700 ektaryang sakop ang mga nagrereklamong residente, ngunit ayon sa kanila’y dekada 70 pa sila nagsasaka sa nasabing lugar.
Para sa kanila, ito ay ilegal at hindi dumaan sa tamang proseso dahil ang lupang nabanggit ay ancestral domain.
Maituturing umano, na ang ginagawa ng mga opisyal at tauhan ng Masungi Georeserve ay tahasang paglabag sa karapatang pantao, pangangamkam ng lupa, at pandarahas.
Kasabay nito, nagsampa ang mga residente ng kaso laban sa Masungi Georeserve sa katauhan ng pamilya Dumaliang ng mga kasong illegal fencing (roads), harassment, illegal detention, illegal arrest, illegal demolition, physical injuries, alarm and scandal, anti-wire tapping, force evacuation, usurpation of authority, at pagkakalat ng fake news. (EDWIN MORENO)