Wednesday , December 18 2024
Malacañan CPP NPA NDF

Malalim na pang-unawa sa ugat ng armed conflict hirit ng CPP sa pres’l bets

NANAWAGAN ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa 2022 presidential bets na magkaroon ng malalim na pang-unawa sa mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Inihayag ito ng CPP sa isang kalatas kasunod ng pahayag ni Vice President Leni Robredo na kapag naluklok sa Malacañang ay isusulong niya ang “localized peace talks” para tugunan ang ugat ng problema na tinukoy niya bilang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.

Habang si Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay inilarawan ang New People’s Army (NPA) bilang mga taong ‘naligaw ng landas’ na dapat kombinsihin na “magbalik-loob” dahil “mayroon lamang isang gubyerno.”

“Anopaman, sa puntong ito, dapat nating paalalahanan kapwa sina Robredo at Moreno na ang pagkakamit ng maka­ta­rungan at pangmatagalang kapayapaan ay nanga­ngailangan ng malalim na pag-unawa sa mga ugat ng armadong tunggalian, gayondin sa kasaysayan at proseso ng negosasyong pangkapayapaan,” anang CPP.

Dapat lagpasan umano nila ang mababaw at makitid na pananaw na ang nagaganap na “digmaang sibil” sa buong bansa ay resulta lamang ng mga “lokal” na usapin at hindi iniluwal ng sistema­tikong problema na malawak na nakaaapekto sa masang magsasaka, manggagawa, at pang­gitang uri — lalo ang kawalan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, na tinanggihang ipatupad ng mga nagdaang gobyerno bilang isang programa para kamtin ang katarungang panlipunan at ekonomyang nakatatayo sa sariling paa at maunlad.

Hindi anila dapat kalimutan ni Robredo na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagtaguyod sa  localized peace talks at maging si Davao City Mayor Sara Duterte ay matagal na itong isinusulong sa kanilang siyudad ngunit napatunayang isa itong kabiguan.

Para sa CPP, imbes magtaguyod ng kapaya­paan ang localized peace talks ay naging katumbas ito sa “kampanyang pagpapasuko” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang lokal na mga residente ay arbitraryong inaakusahang mga kasapi ng NPA at pinipilit na “sumumpa ng katapatan” sa AFP.

Bilang dating human rights lawyer, dapat umanong silipin ni Robredo ang laganap na pag-abuso ng militar at pulis sa ilalim ng “lokal na usapang pangkapayapaan.”

“Nagsilbi rin ang “lokal na usapang pangkapa­yapaan” bilang tabing para itago ang malawakang korupsiyong kinasa­sangkutan ng ilandaang milyong pisong pondo para sa mga programang “pangkabuhayan” at “balik-baril,” na ipina­titipon ang taongbaryo para tanggapin ang mga ‘subsidyo’ at pinapipirma sa mga blankong papel, na kalauna’y ginagamit bilang ebidensiya ng kanilang ‘pagsuko.’

Nais umanong makita ng bayan kung may pagkakaiba kay Duterte ang isusulong na peace talks ng mga umaasinta sa Palasyo sa 2022 at kung bukas sila sa pagpa­pawalang-bisa sa Proclamation 370 at 374, pagbubuwag sa National Task Force-ELCAC at pagbasura sa Anti-Terrorism Law (ATL) na mga hadlang sa pagba­balik ng usapang pang­kapayapaan.

“Makikita pa lang kung ang mga kandidato sa pagkapangulo ay matatag na titindig laban sa patakarang “kill, kill, kill” ng rehimeng Duterte at gagawa ng tindig na sasalamin sa hangarin ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at ng mama­mayan na nais sumulong ang usapang pang­ka­payapaan lampas sa mga seremonya tuwing may bagong rehimen,” anang CPP.

(ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Honey Lacuna PBBM Bongbong Marcos Manila mackerel

Mula kina PBMM at Mayor Lacuna
Kompiskado, ismagel na mackerel ipinagkaloob sa mga residente ng BASECO at Tondo sa Maynila

PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna – …

Lito Lapid Coco Martin

Coco pag-isipang mabuti pagpasok sa politika

HATAWANni Ed de Leon KINUKUMBINSI raw ni Lito Lapid si Coco Martin na pumasok sa politika. Paanong papasok si …

Bulacan Police PNP

Anti-crime raid ikinasa sa Bulacan; 15 pugante, 4 tulak timbog

NASAKOTE ang may kabuuang 19 mga indibidwal, kung saan 15 ang mga wanted person at …

ASIN Center Salt Innovation for a Better Future

ASIN Center: Salt Innovation for a Better Future

DOST Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Mabborang together with DOST 1 Regional Director, …

121324 Hataw Frontpage

Zamboanga jamborette ipinatigil
3 BOY SCOUTS NAKORYENTE SA TENT PATAY
10 sugatan naospital

HATAW News Team TATLONG miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ang namatay sa …