PATAY ang dalawa katao habang 17 ang inaresto kasama ang apat na pulis na sangkot sa pangangamkam ng lupang pag-aari ng Hard Rock Aggregates, nitong Lunes ng hapon, 31 Agosto, sa lungsod ng Antipolo.
Ayon kay P/Maj. Baby Amadeo Estrella, deputy chief ng Antipolo City police, kasalukuyan nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang namatay sa insidente.
Kinilala ang mga nadakip na sina P/SMSgt. Ronald Antonio Abnariao, at P/SSgt. Henry Balmaceda, kapwa nakatalaga sa Philippine National Police-Police Security and Protection Group (PNP-PSPG), na nagtangkang tumakas sa dragnet operation ng Antipolo PNP.
Kasama rin sa mga nadakip sina P/SSgt. Rodolfo Rillorta; P/SSgt. Jolit Custodio; Jenelyn Vailoces; Narmalyn Jarmaani; Georgette Orlaza; Dyna Barreto; Gaelyn Amantillo; Marie Amantillo; Rosalie Sayson; Divina Cajilo; Jimmy Pulo; Daniel Igoy; Rodelio Palivino; Angel Race; Jeric Roncales; Jessray Nacioy; Rodeo Barreto; Marvin Jhon Bitoy; at Eddie Amarillo.
Ayon sa pulisya, dakong 2:00 pm nitong Lunes nang ilegal na pasukin ng mga armadong suspek na sangkot umano sa squatting syndicate, ang lupa ng Hard Rock Aggregate sa Sitio Igiban, Purok 1 at 2, Zone 7A, Barangay Cupang, sa naturang lungsod.
Agad humingi ng saklolo ang guwardiya ng quarry sa mga awtoridad dahil may armadong grupo ng sindikato ang pumasok sa lugar at puwersahang inaagaw ang nabanggit na lupa.
Agad na nagresponde si P/SMSgt. Leo Angelo de Guzman ng Antipolo PCP Station 1 kasama ang mga tanod ngunit pinaulanan sila ng mga bala ng baril ng mga suspek.
Dito humingi ng back-up sa Antipolo Police Headquarters at nagsagawa ng dragnet operation sina P/Maj. Estrella na ikinadakip ng mga suspek.
Hindi pa malinaw sa ulat ng pulisya kung sino ang nakapatay sa dalawang biktima sa mga suspek na iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad.
Ilang taon na ang nakalipas nang tangkain din kamkamin ng isang retiradong heneral at grupo nito ang nabanggit na lupain na pag-aari ng Hard Rock Aggregates.
Kasalukuyang nakapiit sa Antipolo PNP ang mga arestadong suspek at iniimbestigahan kasama ang dalawang PSPG PNP officer. (EDWIN MORENO)