ISANG graphic artist at isang Grab driver ang dinakip ng pulisya dahil sa pamemeke ng health certificate at travel pass sa ikinasang entrapment operation ng San Juan PNP noong Sabado ng hapon, 22 Agosto.
Kinilala ni P/Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan police, ang mga nadakip na sina Angelito Benipayo, 42 anyos, isang graphic artist; at Laverne Esquivias, 32 anyos, isang Grab driver, matapos ireklamo ng isang mister dahil nagduda sa mga dokumentong ibinigay ng mga suspek sa kaniyang misis.
Dakong 4:30 pm noong Sabado nang madakip ang mga suspek sa entrapment operation sa pangunguna nina P/Cpl. Mark Jayson Janoyan at Pat. Rochello Corpuz ng San Juan PNP Sub Station-1 sa loob ng Burn and Jhoy Cellphone and Mobile Services na matatagpuan sa Greenhills Shopping Center.
Nauna rito, nagtungo ang saksing si Dardy Sasis sa pulisya dakong 1:00 pm upang kompirmahin kung orihinal ang mga dokumentong health certificate at travel pass na inisyu ng dalawa sa kanyang maybahay.
Dahil dito, agad nag-request si P/Lt. Wilfredo Abenoja kay City Health Office Dr. Rosalie M. Domingo na nagkompirmang peke ang mga dokumento at ini-scan lamang ang kaniyang lagda.
Agad ikinasa ang entrapment operation at nagpanggap na kustomer ang mga pulis kasama ang saksi upang bumili ng health certificate at travel pass sa halagang P700.
Matapos magkabayaran at makuha ang pekeng dokumento, inaresto ang mga suspek kasama ang marked money, laptop, printer at laminating machine.
Kakaharapin ng mga nadakip na suspek ang mga kasong forgery, falsification of public documents, at obstruction of justice na ngayon ay nakapiit sa San Juan PNP detention cell. (EDWIN MORENO)