ARESTADO sa mga operatiba ng Pasig PNP ang isang 41-anyos doktor na sinabing wanted sa kasong panghihipo noong isang taon, sa bayan ng Cainta, lalawigan ng Rizal, nitong Linggo, 16 Agosto.
Kinilala ni P/Col. Moises Villaceran, hepe ng Pasig police, ang nadakip na kinilalang si Dr. Ian Raymond Antonio, medical doctor, nakatira sa Green Park, Barangay San Isidro, ng nabanggit na bayan.
Dakong 8:30 am, bitbit ng grupo ni P/Lt. Col. Robert delos Reyes, hepe ng Police Detective Unit (PDU) ang warrant of arrest at dinakip ang doktor sa kaniyang bahay sa #30 Pound St., Green Park, Subd., sa naturang bayan.
Nauna rito, isang taon ang nakalipas nang ireklamo sa kasong panghihipo si Antonio ng hindi na pinangalanang dalagang biktima.
Kahapon, naglabas ng warrant of arrest si Hon. Judge Emelio R. Gonzales lll, Presiding Judge ng Pasig Metropolitan Trial Court Branch 154 sa kasong Acts of Lasciviousness laban sa akusadong doktor.
Dinakip ang suspek na doktor at iniulat na nakapiit sa detention cell ng Eastern Police District (EPD) para sa kaukulang disposisyon.
(EDWIN MORENO)