NANINIWALA si Senate Minority leader Franklin Drilon na nagpababa umano ng kredibilidad nag Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Philippine National Police (PNP) ang pagkampi at hindi pagdisiplina ni Pangulong Rodrigo Duterte kay NCRPO chief P/MGen. Debold Sinas.
Ayon kay Drilon, nakikita ng publiko na hindi maipatupad ng IATF ang mga quarantine rules nito sa mga pulis na inatasang tagapagpatupad .
Binigyang diin ni Drilon, hindi sinusunod ng grupo ni Sinas at ng mga pulis ang mga patakaran ng IATF.
Kaya kung ganito umano ang kanilang ginagawa, mahihirapan din ang IATF at PNP na ipatupad ang quarantine rules sa mga ordinaryong tao.
Si Sinas ay naging kontrobersiyal dahil sa pangharana sa kanya ng mga pulis at papiging noong kanyang kaarawan, 8 Mayo, sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi niya sisibakin si Sinas dahil siya ay “honest” at “good officer.”
Dahil dito, ayon kay Drilon, kaya nawawala ang tiwala ng mga tao sa abilidad ng gobyerno na ipatupad ang kautusan ng IATF at PNP sa ilalim ng kuwarentena. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)