Thursday , December 19 2024
CPP PNP NPA

2 SAF patay, 6 sugatan sa ambush sa Antipolo (Opensiba inamin ng NPA)

NILALAPATAN ng lunas sa pagamutan ang anim na operatiba ng Special Action Force (SAF) at sinabing na­wawala ang dalawa nilang kasama na pinaniniwalaang patay na ma­karaan tambangan ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) habang pauwi sa kanilang barracks sa Antipolo City, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng Rizal PNP, kinilala ang mga sugatan na sina PO2 Brendo Cariño, 32; PO2 Reymar Guevarra, 27; PO2 Mark Andrew, 27; PO2 Gran Omines, 25; PO2 Joseph Alberca, 29; at PO2 Ryan Gonzales.

2 SAF patay, 6 sugatan sa ambush sa Antipolo (Opensiba inamin ng NPA)

Nawawala ang dalawa nilang kasamahan na kapwa mga miyembro ng 33rd Special Action Force Company at 3rd Batallion na nakabase sa Sitio San Joseph Brgy. San Jose ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng Antipolo PNP, tinatayang sa pagitan ng 6:00 am hanggang 6:30 am nangyari ang insidente sa nabanggit na lugar.

Sakay ang mga biktima ng kanilang SAF Kia mobile car-01 and 02 habang pabalik sa kampo ng SAF sa Canumay nang pagbabarilin ng armadong grupo.

Tumagal ang putukan nang ilang minuto hanggang tumakas ang mga suspek.

Ang anim sugatan ay nilalapatan ng lunas sa Antipolo District Hospital at Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City.

Kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad ang dalawang nawawala.

Kaugnay nito, naglatag ng mga checkpoint ang pulisya sa Rizal para mahuli ang mga suspek.

ni ED MORENO

OPENSIBA
INAMIN NG NPA

KINOMPIRMA ng Melito Glor Command New People’s Army – Southern Tagalog ang pananambang ng Narciso Antazo Amaril Command – NPA Rizal, sa yunit ng Philippine National Police – Special Action Force sa Antipolo City, kahapon.

Sa press release na ipinadala sa mga news agencies, sinabi nilang, “Malugod na binabati ng Melito Glor Command New People’s Army – Southern Tagalog ang Narciso Antazo Amaril Command – NPA Rizal sa kanilang matagumpay na pamamarusa sa yunit ng Philippine National Police – Special Action Force na naglulunsad ng operasyon sa larangang gerilya at pumipinsala sa mamamayan,” ayon kay Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog.

Ayon sa grupo, inambus ng mga pulang mandirigma ang dalawang sasakyan – isang hummer-type jeep na may 4 SAF commandos at isang back-to-back jeep na may 12 elemento ng SAF commandos sa Sityo San Joseph, Brgy. San Jose, Antipolo City.

Anila, pauwi ang mga ‘mersenaryo’ mula sa kanilang operasyong militar sa kanilang headquarters sa naturang lugar. Tumagal ang labanan mula 6:40 hanggang 7:25 ng umaga.

Binigyang-diin nilang dalawang elemento ng SAF commandos ang napatay at anim ang sugatan, samantala walang kaswalti sa hanay ng tinatwag nilang ‘magigiting na pulang mandirigma.’

“Ang opensibang militar na inilunsad ng NPA Rizal ay bilang tugon sa walang tigil na paglulunsad ng mga operasyong militar ng reaksiyonaryong puwersang panseguridad sa mga erya na saklaw ng NPA at paghahasik ng lagim sa hanay ng mamamayan,” ayon sa grupo.

Anila, patuloy ang pagsasanay ng lahat ng elemento ng NPA sa rehiyon sa iba’t ibang teknika at taktika sa pakikihamok sa berdugong Armed Forces of the Philippines – PNP “upang sagkaan ang kanilang kapalalauan at kahambugan” sa harap ng lumalabang inaaping mamamayan.

Sisikapin umanong  kamtin ng NPA ang isang kaaway na kaswalti sa hanay ng AFP-PNP sa paglulunsad ng mga opensibang pamamarusa sa mga nag-ooperasyong tropa ng reaksiyonaryong hukbo.

“Gamit ang iba’t ibang kasanayang militar tulad ng commando operations, sniping operations, sapper operation, sabotage operations at partisan, hihina at wawasak ang moral ng mga mersenaryong hukbo ng estado sa harap ng tuloy-tuloy na paglaban ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan.”

Samantala, nananawagan ang Melito Glor Command sa lahat ng yunit ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan na higit pang pasiglahin at padagundungin ang mga opensibang aksiyon laban sa lahat ng yunit ng reaksiyonaryong hukbo at pulis sa mga sona at larangang gerilya.

“Hindi dapat hayaang malayang maglabas-masok ang alinmang yunit ng AFP at PNP sa mga barangay na saklaw ng demokratikong gobyernong bayan nang hindi pinagbabayad nang mahal sa kanilang mga krimen at atrosidad sa mamamayan ng rehiyon.”

About Ed Moreno

Check Also

Francine Diaz Seth Fedelin FranSeth My Future You

My Future You ng FranSeth may puso, may ‘K’ ipagmalaki

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio PANALO sa ganda at tema ng istorya para sa amin …

Makapili Vlogger

Makabagong makapili, trolls, vloggers tinira ni Barbers

KINONDENA ng isang kongresista mula sa Mindanao ang tinagurian nitong “Makabagong Makapili” o mga Pinoy …

Mary Jane Veloso

OFW Mary Jane Veloso nakauwi na sa bansa

NAKAUWI na sa bansa ang napiit na overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng 14 …

121924 Hataw Frontpage

Meralco franchise kapag ‘di naamyendahan
PRESYO NG KORYENTE SA PH SISIRIT PA

MAHIGPIT na nanawagan ang isang consumer rights advocate sa Senado na baguhin o amyendahan ang …

Chavit Singson VBank

VBank inilunsad ni Manong Chavit

PORMAL nang inilunsad ni senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson ang VBank digital bank, isang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *