MAHIGIT P180 bilyon ang malamang na napunta sa mga ‘guniguni’ o ghost na flood control projects mula pa noong 2016 — at hindi pa kasama rito ang mga substandard na proyekto, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson.
Ayon kay Lacson, nakarating siya at ang Senate finance committee chairman sa pagtatayang ito base sa mahigit 10,000 proyekto na nainspeksiyon at sinabing mahigit 600 ang natukoy na ghost o hindi umiiral.
“Ang universe ng flood control projects mula 2016 hanggang to date, mga 30,000. So kung extrapolate natin easily 6% kasi kung 10,000 nasa 600 ka na mahigit na… Sabihing 6% ng 30,000 na flood control projects in total, kung magtutuloy ang trend at mukhang paakyat pa — hindi lang 6% kasi 420 over 8,000, that’s 5.25%. So ang estimate namin ni Sen. Gatchalian, kung magpapatuloy ang trend pero mukhang paakyat pa 6% ng 30,000, nasa P180 bilyon mahigit ang napunta sa ghost,” aniya sa isang panayam sa radyo.
“Imagine, P180 bilyon kaagad ang outright talagang nawala dahil ghost. Hindi pa natin nabibilang ang substandard,” dagdag niya.
Binigyang-diin niyang maliit na numero lamang ang naungkat at natalakay ng Senate Blue Ribbon Committee kompara sa kabuuang bilang ng mga posibleng ghost projects. Nailahad din ni Lacson sa kanyang mga privilege speech noong Agosto at Setyembre ang korupsiyon sa likod ng mga ghost at substandard flood control projects.
Dagdag ni Lacson, nakababahala na ang P110 milyon na ibinalik umano ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara noong nakaraang linggo ay katiting lamang, kahit pa inaasahang magbabalik pa siya ng karagdagang P200 milyon sa mga darating na linggo.
Sinabi ni Lacson na handa ang Blue Ribbon Committee na tumulong sa mga ahensiyang tulad ng Independent Commission for Infrastructure, Department of Justice, at Office of the Ombudsman sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, kung makatatanggap sila ng bagong impormasyon.
“So kung may lalabas na bagong information sa ibang lugar hopefully makatulong kami sa ICI, Ombudsman at DOJ,” aniya.
Samantala, iginiit ni Lacson na sinisimulan na ng Senado na i-undo ang ilang gawain na may kinalaman sa mga anomalya sa flood control projects sa pamamagitan ng pagpapalakas ng transparency sa pagbuo ng budget.
Kasama sa mga hakbang ang pagla-livestream ng period of amendments at pagpapalabas sa publiko ng lahat ng individual amendments ng mga senador, upang harangin ang ‘allocables’, leadership funds, at iba pang anyo ng pork barrel sa 2026 budget.
“Hindi uubra (ang allocables) kasi ginawa namin transparent. Kung napanood ninyo ang aming livestreaming nag-introduce kami ng individual amendments on the floor. Dati kasi ang kalakaran, mag-submit ng kapirasong papel sa chairman. Hindi ito nakalantad,” aniya.
“Sa Senate ginawa namin kahapon. Lahat na individual amendments, pati nag-submit hindi mismong nag-introduce sa floor binasa ni Sen. Gatchalian. 11 ang binasa niyang individual amendments ng senador. At ito pag-aaralan ulit kung ilan ang ia-accept at ilan ang ire-reject,” dagdag niya.
Nauna nang tinukoy ni Lacson ang ‘allocables’ bilang bagong pork barrel matapos suriin ang mga dokumentong kaugnay ng 2025 budget, na tinawag niyang “corrupt to the core”.
Ipinaliwanag niya na ang allocables — na nagbibigay-daan para mapondohan ang mga item bago pa i-identify ng mga mambabatas — ay nasa loob ng National Expenditure Program, ang panukalang budget na inihahanda ng Executive Department bago isumite sa Kongreso.
Sinabi ni Lacson, nagkasundo ang majority bloc na pagkatiwalaan at lubos na suportahan si Gatchalian sa pagdedesisyon kung aling amendments ang tatanggapin o tatanggihan. Nakikipag-ugnayan si Gatchalian sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), na magsusuri ng mga amendments sa bawat yugto ng proseso.
“So entrust namin kay Sen. Gatchalian kung ano ang tatanggaping individual amendment at ano ang ire-reject at susuportahan namin siya kung darating sa botohan sa floor,” aniya.
Dagdag pa ni Lacson, nagkasundo ang Senado at Kamara na gawing simple ang bicameral conference committee proceedings upang talakayin lamang ang mga hindi pinagkakasunduang probisyon ng kanilang mga bersiyon ng budget bill — at hindi ang ‘alien’ provision na isinisingit sa alinmang panig.
Samantala, sinabi niya na ipo-post ni Gatchalian sa transparency portal ng website ng Senado ang mga amendments at kaugnay na detalye.
“Mas simple ‘yan at puwede namin gawing transparent ‘yan. At ‘yan ang intention namin. All the way hanggang bicam gagawing transparent, hanggang enrolled bill gagawin naming transparent,” ani Lacson. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com