MATAPOS matalo sa laban para sa congressional seat sa Unang Distrito ng Taguig, dalawang malalapit na tauhan ni Lino Cayetano ang kinasuhan sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa paglabag sa election laws nang mag-post ng magkaparehong propaganda material sa social media ilang oras bago ang halalan noongv12 Mayo 2025.
Sa reklamong inihain sa COMELEC Law Department nitong 6 Agosto, tinukoy ang mga respondents na sina Raymond “Mon” Salve, miyembro ng close-in security team ni Lino, at Maryruth Roven “Beng” Maximo, dating SK Federation President at matagal nang tagasuporta ni Lino.
Sa affidavit, noong 12 Mayo —- araw ng eleksiyon — sinabing sabay nagpaskil ang dalawa sa kanilang social media pages ng mga mensahe ng pangangampanya para kay Lino.
“Hindi disqualified at nasa balota. #LabanLino”
“Independiente.
Walang Makinarya.
Walang Padrino.
pero nandito siya, lumalaban para sa karaniwang tao.”
“To all my friends in District 1 – Taguig and Pateros — choose a leader who delivers. Direk Lino has a strong track record, a clear platform, and real experience, especially during the pandemic. Proven leadership when it mattered most!”
“Vote Direk Lino Cayetano for Congressman of Taguig District 1 and Pateros.”
Ayon sa complaint-affidavit, lumabag sina Salve at Maximo sa Section 5 ng Republic Act No. 7166, kaugnay ng Fair Election Act (RA 9006) at mga COMELEC Resolution Nos. 10999 at 11086, kaya sila ay sinampahan ng kasong paglabag sa election laws.
Mahigpit na ipinagbabawal ng mga regulasyong ito ang kahit anong uri ng partisanong aktibidad pampolitika kabilang ang mga post sa social media—tuwing 11 at 12 Mayo na tinatawag na “silent period.”
Binigyang-diin sa reklamo na pasok sa depinisyon ng “online campaigning” ang ginawa ng dalawa, na kinabibilangan ng mga text, larawan, o kombinasyon ng mga ito na layong impluwensiyahan ang pagpili ng mga botante.
Kabilang din sa kanilang materyales ang pangalan at numero ni Lino sa balota, kasama ang mga paulit-ulit na pahayag na layong pabulaanan ang isyu ng disqualification at mag-udyok ng simpatiya.
Ayon sa affidavit, ang mga materyales na ito ay “hindi basta random na pahayag” kundi planado, sabay inilabas, at may tiyak na oras upang hikayatin ang mga botante sa Unang Distrito ng Taguig na iboto pa rin si Lino.
Layunin ng ganitong hakbang na “ikondisyon ang isip ng mga botante” at baguhin ang desisyon nila sa huling sandali, na tahasang paglabag sa election laws.
Dagdag sa reklamo, ang mga paskil ay public, malawak ang naabot at na-share pa sa social media pages, kaya’t mas lumaki ang potensiyal na impluwensiya nito sa panahon na ipinagbabawal ang ganito.
Bagama’t hindi tuwirang isinama si Lino sa kaso, ang pagiging malapit niya kina Salve at Maximo ay nagbubukas ng seryosong tanong hinggil sa asal ng mga taong nakapaligid sa kanya—at kung may kaalaman o pahintulot ba siya sa kanilang ginawa.
Inaasahang magsasagawa ng preliminary investigation ang COMELEC, at kung makakakita ng sapat na basehan, maaaring magsampa ng kasong kriminal na may kaparusahang pagkakakulong at disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, alinsunod sa Sections 263 at 264 ng Omnibus Election Code. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com