NAGSIMULA lang sa biro ni Vice Ganda, ngunit tinanggap ni Senator Bam Aquino ang hamon at buong gilas na nagpakita ng galing sa pagsayaw sa Super Divas concert nila ni Regine Velasquez-Alcasid sa Araneta Coliseum.
Habang nag-iikot sa manonood sa gitna ng isang performance, napansin ni Vice Ganda sina Sen. Bam at ang kanyang asawa na si Timi sa audience at tinawag ang mambabatas.
“Nag-eenjoy po ba kayo?” tanong ni Vice kay Bam, na sumagot ng, “Yes, enjoy na enjoy. Iyong asawa ko sayaw nang sayaw kanina pa.”
“Buti naman po nag-eenjoy kayo. Tama, paminsan-minsan mag-enjoy kayo dahil ang gulo-gulo niyo riyan sa Senado,” biro ni Vice, patungkol sa isyu ng impeachment.
“Stressed na stressed kayo roon. Mag-enjoy kayo paminsan-minsan dito, ‘di ba? At dahil diyan, sasayaw si Senator Bam,” dagdag pa ni Vice bago kinanta ang hit song ni Gloc 9 na Sumayaw Ka! at sinabayan naman ni Bam ng pagsayaw na sinalubong ng hiyawan mula sa mga manonood.
Nag-post si Bam sa kanyang Facebook page ng video ng sayaw na may caption: “Meme, next time si misis ko na lang!”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com