
NANINIWALA ang isa sa mga abogado ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) na dapat nang simulan ang impeachment trial ngayong 18 Mayo 2025 matapos ang May 12 midterm elections upang mabigyan nang pagkakataon ang incumbent senators na tumatakbo sa kasalukuyan na matapos ang kanilang pangangampanya.
Ayon kay dating congressman Neri Colmenares sa isang radio interview dapat tutukan ng prosekusyon ang isa hanggang dalawang kaso nang sa ganoon ay mapaikli ang paglilitis at agarang makuha ang conviction bago ang 30 Hunyo na huling araw ng 19th Congress.
Naniniwala si Colmenares na maraming magaganap na legal complications sa sandaling ma-delay ang paglilitis kung ito ay gagawin pa sa 20th Congress na hahawakan ng mga senador na malululok at uupong judges.
Isa sa tinukoy ni Colmenares na maaaring kuwestiyonin ng kampo ni Duterte sa Korte Suprema ang jurisdiction ng 20th Congress sa paglilitis sa kanya.
Tinukoy ni Colmenares na matapos ang botohan sa 12 Mayo at agarang pasimulan ang paglilitis sa 18 Mayo ay malaki ang posibilidad na maipataw ang conviction bago ang 30 Hunyo kung tututukan ng prosekusyon ang paggamit ni Duterte sa P125 milyong pondo ng gobyerno sa loob lamang ng 11 araw na mayroong matitibay na ebedensiya.
Ayon kay Colmenares, mayroon namang kasalukuyang rules na maaaring gamitin sa paglilitis at ito ay ginamit noong ma-convict si dating Chief Justice Renato Corona. (NIÑO ACLAN)