NANINDIGAN ang Auto Vault Shop, ang auto shop na sinalakay at nakitaan ng Bureau of Customs (BoC) ng sangkaterbang luxury vehicles, na lahat ng mamahaling sasakyan sa kanilang shop ay pawang mga locally purchased.
Sa pahayag ng legal counsel ng Auto Vault Shop na sina Atty. Babylin Millano at Atty. Julius Otsuka, hindi negosyo ng naturang shop ang pagbebenta ng mga luxury vehicles.
Ang mga sasakyan na nakita sa kanilang shop ay ipinagagawa o ipinadedetalye.
Bilang pagtalima sa batas ay nakikipag-ugnayan na ang kanilang opisina sa mga may-ari ng mga mamahaling sasakyan na maglabas ng kaukulang papeles para mai-release ng BoC.
Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Manila International Container Port – Customs Intelligence and Investigation Services Chief Alvin Enciso, hindi porke locally purchased ay hindi na dumaan sa tinatawag nilang technical smuggling.
Paliwanag ni Enciso kailangang humingi pa rin ang mga buyers ng luxury car ng kopya na nagbayad ang seller ng customs duties and taxes para hindi magkaroon ng problema sa pamahalaan.
Una nang ipinakita ni Enciso sa media ang dose- dosenang luxury cars na sinasabing lumusot sa mga pantalan sa pamamagitan ng technical smuggling.
Magugunitang nagsagawa ang Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng isang operasyon sa lungsod ng Taguig hinggil sa hinihinalang smuggled luxury cars.
Batay sa inisyal na report, ang nasabing mga high-end luxury vehicles ay ipinasok sa bansa nang hindi nagbabayad ng tamang duties and taxes.
Bahagi ang nasabing operasyon ang nagpapatuloy na serye ng raid ng BoC batay sa kanilang anti-smuggling campaign.
Kasama sa mga tumambad na high-end vehicles ang Rolls Royce Cullinan, Lamborghini Huracan, Ferrari 720s, Ferrari 488, Ferrari 458, Maserati Levante, Mercdes Benz G Wagon Brabus, Mercedes Benz G63, Porsche 911 Turbo S, Porsche GT3 touring, at iba pa.
Sinabi ng BoC, aabot sa P900 milyon ang halaga ng mga hinihinalang smuggled vehicles. (NIÑO ACLAN)