
NANUMPA na si Vivencio “Vince” Dizon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Sa isang panayam matapos ang kanyang panunumpa sa Pangulo, tiniyak ni Dizon na kanyang pagbubutihin na isaayos ang sistema ng transportasyon sa bansa.
Tiniyak ni Dizon na kanyang tututukan upang matapos sa lalong madaling panahon ang mga kasalukuyang isinasagawang proyekto ukol sa transportasyon lalo ang mga nakahanay na proyekto.
Ani Dizon, iisa ang nais ng lahat at ito ay pabilisin at ayusin upang maging ligtas ang transport system sa bansa.
Dahil dito, aniya, mas higit na kailangang gumawa nang mas mahusay para lumikha ng dagdag na mga proyekto at hindi maaari ang salitang ‘puwede na’.
Magugunitang ang paghihirang kay Dizon ay inihayag ng Palasyo noong 13 Pebrero ng taong kasalukuyan kapalit ng noo’y DOTr Secretary Jaime Bautista.
Bago hinirang si Dizon na maging pinuno ng DOTr ay nagsilbi siyang dating chief of staff ng yumaong si Senador Edgardo Angara, naging Pangulo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at naging deputy chief implementer noon panahon ng pandemyang COVID-19 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. (NIÑO ACLAN)