
ni Niño Aclan
INAMIN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suportado nito ang Special Class Business Process Outsourcing (SCBPOs) companies sa bansa.
Ayon sa PAGCOR, ito ay bunsod ng kontribusyon nitong pagbibigay ng libo-libong trabaho para sa nga Filipino.
Kaugnay nito, mismong si PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco ang nagtiyak sa mga foreign chambers of commerce sa bansa na ipagpapatuloy ng kanilang ahensiya ang adbokasiya para sa SCBPOs gayondin ang pagpapalwak nito sa bansa.
Ipinaliwanag ng PAGCOR chief, ang SCBPOs ay katulad lang din ng mga BPOs na nagsisilbing support business operations sa ibang bansa ngunit ang mga SCBPOs ay pawang lisensiyado ng PAGCOR dahil ito ay gaming companies sa abroad.
Sinabi ni Tengco, karamihan sa SCBPO ay nasa human resource, marketing, graphic design, accounting, at iba pang back office work.
Pagtitiyak ni Tengco, ang naturang SCBPOs sa bansa ay hindi sangkot sa gaming operations gaya ng pagkuha ng mga taya mula sa kanilang customers.
Sa kasalukuyan, ang SCBPO sector sa bansa ay nakapagbigay ng 5,000 lokal na trabaho at may planong lumawak pa ang kanilang local operations at local hiring dahil nakikita ng mga nasabing kompanya na ang mga Pinoy ay talentado.