INAMIN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na nakatakda siyang magpadala ng isa pang liham kay Senate President Francis “Chiz” Escudero upang hilingin na magpatawag ng all senators caucus upang kanilang matalakay at mapag-usapan ang usapin ukol sa impeachment complaint na isinampa ng Kamara sa senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Pimentel ito ay upang mabigyan na ng kapangyarihan ng mga senador si Escudero para simulan nang magpadala ng mga summon kay Duterte.
Naniniwala si Pimentel, hindi na kailangan pa ng sesyon at magpatawag ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng isang special session para mag-convene ang senado bilang isang impeachment court.
Maliwanag aniya na ang salitang “forthwith” ay maaari nang pasimulan o simulan ng senado ang paglilitis sa reklamo laban kay Duterte.
Umaasa si Pimentel na susuportahan siya ng iba pang mga kapwa niya senador ukol sa kanyang pananaw.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Robin Padilla na handa siyang sumunod sa lahat ng utos at desisyon ni Escudero dahil bilang SP nila at abogado mas may alam siya sa batas.
Suportado ni Senadora Risa Hontiveros ang pananaw ni Pimentel na aniya ay dapat magkaroon ng pananagutan sa batas ang mga taong nang-aabuso sa pera at kaban ng bayan. (NIÑO ACLAN)