KINONDENA, binatikos, at inalmahan ni Pasay City Mayor Emi Rubiano-Calixto ang naging pahayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio ukol sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa lungsod.
Maliwanag aniya na ang pahayag ni Casio ay akusasyon na lubhang nakasisira sa reputasyon ng mga opisyal ng lungsod.
Tiniyak ni Calixto na isandaang porsiyentong suportado ng kanyang panunungkulan ang pananaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na wakasan ang POGO sa buong bansa.
Iginiit ni Calixto na ang pamahalaang lungsod ng Pasay ay patuloy na nagpapatupad ng pagsugpo sa lahat ng uri ng POGO sa kanilang nasasakupan kung mayroon man.
Tinukoy ni Calixto na nakikipag-ugnayan din sila sa national government upang tuluyang masawata ang mga POGO sa kanilang lungsod kung mayroon pa.
Binigyang-diin ni Calixto na ang mga nahuli at na-raid na mga POGO sa lungsod ay pawang mga walang business permit at ito ay mga palihim at tagong operasyon na walang kinalaman ang pamahalaang lungsod dahil hindi nila papayagan ang mga ilegal na gawain.
Ipinunto ni Calixto, sa 13,000 business na kanilang inaprobahan ay pawang dumaan sa masusing proseso kalakip ang lahat ng requirements at dokumentong hinihingi bago maaprobahan.
Siniguro ni Calixto na walang isa mang permit ang ipinagkaloob sa kahit anong POGO operation sa kanilang lungsod.
“Pasay City has taken proactive measures to combat illegal POGOs by implementing a series of actions to eliminate illicit operations. We are also adding some programs to enhance the skills of our personnel in identifying suspicious activities within business establishments, particularly those related to POGOs.
“Let me be clear: Pasay City has a zero-tolerance policy towards POGO operations, regardless of whether they are disguised, temporary, or operated as dummy entities. POGOs are not allowed in our city. This is not just a symbolic gesture; it reflects our commitment to eliminating POGO operations in our city,” paglilinaw ni Calixto.
Magugunitang nagbanta si Casio na maaari niyang panagutin o sampahan ng kaso ang mga opisyal ng lungsod ng Pasay ukol sa talamak na POGO sa kanilang lungsod. (NIÑO ACLAN)