MALUGOD na tinanggap ng mga opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kay Vince Dizon bilang bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Si Dizon ay hinirang ng Pangulo bilang pinuno ng DOTr kapalit ni Jaime Bautista na nagbitiw dahil sa kanyang kalusugan.
Hindi naitago ng mga ilang mga mambabatas ang pagpuri kay Dizon batay na rin sa kanyang rekord sa pamahalaan bilang pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at vaccine czar sa kasagsagan ng pandemyang COVID-19.
Si Dizon ay nasa serbisyo ng gobyerno sa nakalipas na 26 taon. Mayroon siyang malawak na karanasan maging sa lehislatura bilang Chief of Staff ng yumaong Senador Edgardo J. Angara at sa Ehekutibo, lalo na noong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginampanan niya ang maraming mahahalagang tungkulin.
Kabilang dito ang Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects at President at CEO ng BCDA bilang bahagi ng malawakang programa ng Build, Build, Build at Presidential Adviser at Deputy Chief Implementer laban sa COVID 19.
Si Dizon ay Assistant Professor of Economics sa De La Salle University at tumanggap ng isa sa pinakamataas na karangalang sibilyan – ang Order of Lakandula na may ranggong Bayani – para sa kanyang mga pangunahing kontribusyon sa programa ng Build, Build, Build at sa tugon ng bansa sa pandemyang COVID 19 at kasalukuyang Chief Regulatory Officer ng Prime Infrastructure.
Kabilang sa nagpaabot ng pagbati sa suporta sa paghirang kay Dizon ay sina Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, at Senadora Grace Poe.
“Nais naming batiin si Kalihim Vince Dizon sa paghirang sa kanya at pasalamatan sa pagtanggap ng napakalaking gawain sa kritikal na panahong ito,” ani Poe na siyang pinuno ng komite ng serbisyong publiko ng Senado.
Tulad ni Poe naniniwala din sina Estrada at Villanueva sa mga kasanayan at karanasan ni Dizon ay maaari niyang mapabilis ang mga kinakailangang reporma at proyekto sa ilalim ng departamento partikular sa larangan ng transportasyon.
Umaasa rin ang mga mambabatas na higit na mapagagaan ni Dizon ang usapin o isyu ng transportasyon lalo ang trapiko.
Maging si Rep. Joey Salceda na isang kilalang ekonomista ay hindi nagpahuli sa pagbati sa pagkakahirang kay Dizon.
“Si Vince ay isang matagal nang kaibigan. Nagtulungan kami sa mahahalagang isyu noong pandemya ng COVID-19 at pagkatapos. Umaasa ako sa kanyang payo para sa maraming mahahalagang desisyon sa patakaran. Siya rin ay isang mahalagang kaalyado habang pinamumunuan ko ang pagpasa sa Kongreso ng programa ng reporma sa buwis,” ani Salceda.
“Kapag kailangan mo ng isang gawain na magawa, inuupahan mo si Vince at ang trabaho ay nagagawa. Segurado ako na agad siyang magtatrabaho sa gawain ng DOTr. Tiyak din akong mabilis ang kompirmasyon ng CA. Inaasahan kong makatrabaho ulit siya,” dagdag ni Salceda.
“Tinatanggap namin ang paghirang kay Mr. Vince Dizon bilang bagong Kalihim ng Department of Transportation. Ang kanyang malawak na karanasan sa gobyerno, lalo na bilang dating Presidente at Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Presidential Adviser para sa tugon sa COVID-19, ay magiging mahalaga sa pamumuno sa departamento,” sabi ni Villanueva.
“Inaasahan naming makatrabaho sa ahensiya sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Dizon, lalo sa pagtugon sa mga hamon sa trapiko ng bansa, pagtiyak ng ligtas at mahusay na transportasyon, at pagpapaunlad ng impraestruktura ng transportasyon na mahalaga sa pagpapalakas at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa,” dagdag ni Villanueva.
Para kay Estrada, “May sapat siyang kaalaman at kakayahan sa pagpapatupad ng mahahalagang proyekto sa impraestruktura. With his experience as a presidential adviser on flagship programs and projects, as well as his role at the Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Dizon is a strong choice to lead the Department of Transportation (DOTr). He has demonstrated excellent leadership and expertise in urban planning, private sector engagement, and infrastructure development, which align perfectly with the responsibilities of the DOTr.”
“Tinatanggap ko ang paghirang kay Vince Dizon bilang susunod na kalihim ng DOTr. Kilala ko siya nang personal at taos-pusong naniniwala ako na higit pa siyang kalipikado upang pamunuan ang isa sa pinakamalaking ahensiya ng gobyerno. Siya ay masipag sa kanyang trabaho at isang hands-on manager. Lubos kong sinusuportahan ang paghirang sa kanya bilang kalihim ng DOTr,” ani ni Rep. Johnny Pimentel. (NIÑO ACLAN)