NADAKIP ang lalaking nakatalang pangsiyam na most wanted person sa provincial level sa isinagawang joint manhunt operation ng Laguna PNP nitong Martes, 7 Enero, sa lungsod ng Calamba.
Sa ulat kay Laguna PPO Provincial Director P/Col. Gauvin Mel Unos, kinilala ang suspek na si alyas Qiezel, residente sa lungsod ng Calamba, Laguna.
Sa ulat ng 1st Laguna Provincial Mobile Force Company (1st LPMFC) at Calamba CCPS, nagkasa sila ng joint manhunt operation kamakalawa laban kay alyas Qiezel dakong 12:10 pm sa Brgy. Sucol, sa nabanggit na lungsod.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Calamba City, Laguna RTC Branch 36 na nilagdaan ni Presiding Judge Glenda Reyes Mendoza-Ramos.
Nahaharap ang akusado sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons (RPC ART. 294) na may inirekomendang piyansang P100,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CCPS ang suspek at agad na inimpormahan ang korteng pinagmulan ng kaso sa kaniyang pagkakaaresto.
“I commend our personnel’s efforts in this operation. Hindi natin hahayaan na maging taguan o pugad ng mga kriminal ang ating nasasakupan. Pinaigting pa ng Laguna PNP ang operasyon laban sa kriminalidad upang masiguro ang pagkahuli sa mga gumawa ng krimen sa labas man o sa loob ng probinsiya,” pahayag ni P/Lt. Col. Unos. (BOY PALATINO)