BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM registration sa bansa.
Ginawa ng CICC ang pahayag, kasunod ng ikalawang anibersaryo ng implementasyon ng Republic Act No. 11934 o mas kilala bilang SIM Registration Act.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander K. Ramos, inilabas niya ang naturang paalala bunsod ng patuloy na paglaganap ng mga hindi totoong social media accounts na nag-aalok ng SIM card registration services para sa lahat ng networks kapalit ang maliit na halaga.
Babala ni Ramos, maaaring magamit ang mga personal na impormasyon sa oras na gumamit ng third party para iproseso ang kanilang SIM card registration.
Giit ng opisyal, madali lang ang proseso ng SIM card registration at hindi na kailangan pang iasa sa iba at huwag magpaloko sa mga nag-aalok ng kaparehong serbisyo.
Para sa may mga katanungan hinggil sa SIM registration ay maaring tumawag sa Inter-Agency Response Center Hotline 1326. (NIÑO ACLAN)