NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban sa patuloy na pagdadagdag ng mga motorcycle (MC) taxi sa bansa.
Ayon kay Ariel Lim, pangulo ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) at National Public Transport Coalition (NPTC), mistulang nababalewala ang kanilang karapatan at kabuhayan.
Binigyag-diin ni Lim, hindi sila kinonsulta kahit malinaw na pagkakakitaan nila ang apektado sa pagdami ng MC taxi sa kalsada.
Suportado ni Jopet Sison, isa sa mga founding chairmen ng Quezon City Tricycle Franchising Board (TFB) ang pahayag ni Lim at sinabing dapat ay may ugnayan ang pamahalaan sa mga apektadong sektor bago magpatupad ng mga bagong polisiya.
Paglilinaw ng grupo, hindi sila laban o tutol sa pagbabago pero ang hindi nila maaaring ikompromiso ay ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa na kumita at mabuhay.
Giit ng grupo, huwag nang dagdagan ang bilang ng mga motorcycle taxi sa bansa dahil wala nang kinikita ang tricycle drivers. (NIÑO ACLAN)