INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon para sa 10 pelikula na kalahok sa ika-50 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa Disyembre 25 ang umpisa ng film festival. Pito sa 10 pelikula ang pam-pamilyang Filipino.
Tiniyak ng MTRCB na nabigyan ng angkop na klasipikasyon ang mga pelikula batay sa umiiral na pamantayan ng ahensiya.
Ang romantic comedy nina Francine Diaz at Seth Fedelin na My Future You ay Rated G at angkop para sa lahat ng manonood.
Ang pelikulang pinagbibidahan ni Vice Ganda na And the Breadwinner is… at Green Bones, na mula sa panulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee, ay rated PG. Ibig sabihin, ang mga batang edad 13 at pababa ay kailangang kasama ang magulang o nakatatanda sa panonood.
Rated PG din ang mga pelikulang Espantaho na pinagbibidahan ng mga premyadong aktres na sina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino; Hold Me Close na mula sa panulat at direksiyon ni Jason Paul Laxamana, at pinagbibidahan nina Carlo Aquino at Julia Barretto; ang action-adventure na The Kingdom, kasama sina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual; at ang musical na Isang Himala, na pinamahalaan ni Pepe Diokno at sa panulat nilang dalawa ni Ricky Lee.
R-13, o para lamang sa edad 13 at pataas, ang horror movie na Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital dahil sa tema, lengguwahe, at ilang eksena na hindi angkop para sa mga batang edad 13 at pababa.
Ang Uninvited ni Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, Aga Muhlach, at Nadine Lustre ay rated R-16 dahil sa matinding tema at maseselang eksena.
Ang Topakk o mas kilala bilang Triggered sa ibang bansa, ay may dalawang bersiyon at tumanggap ng R-16 at R-18.
Taos-pusong nagpapasalamat si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio sa mga pelikulang kalahok ngayong taon.
“Isang pribilehiyo para sa amin sa MTRCB na makatrabaho ang MMFF para sa pagpapalabas ng mga pelikulang Filipino ngayong Pasko. Ang mga pelikulang ito ay hindi lamang nakakapagpasaya kundi nagpapakita rin ng mayamang kultura at pagkamalikhain natin bilang mga Filipino,” ani Sotto-Antonio.
“Hinihikayat natin ang publiko na suportahan ang ating lokal na pelikula. Ang bawat palabas na ito ay binuo ng mga propesyonal at may pagmamahal. Ang ika-50 edisyon ng MMFF ay sumasalamin sa matatag at pagiging malikhain ng pelikulang Filipino,” dagdag pa niya.
Ngayong ika-5 dekada ng MMFF, nagpasalamat din si Sotto-Antonio sa mga stakeholder para sa ‘di matatawarang pagmamahal nila sa industriya ng paglikha.
“Nais naming pasalamatan ang lahat, mula sa producers, direktor, artista, at sa bumubuo ng MMFF para sa kanilang kooperasyon para mabigyan ng Board ng angkop na klasipikasyon ang 10 pelikula,” sabi ni Sotto-Antonio. “Tinitiyak namin na ang mga pelikula ay ligtas panoorin ng lahat batay sa angkop na edad habang ini-enjoy ang palabas sa loob ng sinehan.”