MABUTING tiyakin ng gobyerno na maibabalik sa lalong madaling panahon ang pinaghirapang pera ng ating mga kababayan na nawala sa nangyaring aberya sa GCash, ayon kay dating Senator Kiko Pangilinan.
Aniya, hindi katanggap-tanggap na basta maglalaho ang ipon ng ating mga kababayan, lalo pa ngayong mataas ang presyo ng bilihin at maliit ang kita ng mga manggagawa.
Tiwala man si Pangilinan na maaayos ng GCash ang problemang ito, iginiit niya na kailangan pa rin na masusing mag-imbestiga ang gobyerno para malaman kung ito ba’y hacking o aberya lang sa sistema at upang matiyak na hindi na ito mauulit pa.
“Kailangan itong maimbestigahan sa lalong madaling panahon para hindi na madagdagan pa ang agam-agam ng mga nabiktima at mapanatag ang kanilang kalooban,” wika ni Pangilinan.
Sinabi ng dating Senador na hindi dapat balewalain ang reklamo ng mga kababayan nating nawalan ng pera sa kanilang GCash accounts, malaki man ito o hindi.
“Pinaghirapang pera nila ito na dapat lang maibalik, sakaling totoo nga na bigla-bigla na lang naglaho ang naitatabi nilang pera rito,” dagdag ni Pangilinan.
Kabilang sa mga nagreklamo laban sa GCash ang aktres na si Pokwang, na nawala ang pinaghirapang ipon na aabot sa P85,000. (NIÑO ACLAN)