HINDI kontento ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa paliwanag ng GCash na system glitch ang nangyaring pagkawala ng pera ng mga users nito noong weekend.
Ayon kay Executive Director Alexander Ramos, titingnan ng CICC ang posibilidad na isang organized breach ng ilang partikular na GCash accounts ang dahilan ng unauthorized fund transfers nitong weekend.
Tinukoy ni Ramos, nagsimula nilang tutukan ang isyu ng organized breach imbes na system glitch matapos nilang silipin ang kaso ng komedyante na si Pokwang o Marietta Tan Subong sa totoong buhay.
Matatandaang sa isang social media post ng aktres ay ibinahagi nito na nawalan siya ng P85,000 at nagkaroon ng fund transfers sa ibang mga accounts.
Dahil dito ay nanawagan si Ramos kay Subong na makipagtulungan sa kanila at ibahagi sa publiko kung ano talaga ang nangyari.
Kaugnay nito, nanawagan si Ramos sa mga biktima ng scam partikular ang nangyaring unauthorized fund transfer sa GCash nitong weekend.
Sinabi ni Ramos, hinihimok niya ang lahat ng nabiktima ng nasabing scam na lumantad at makipagtulungan sa kanila.
Nais nina Ramos na malaman ang kabuuang pangyayari ng unauthorized fund transfers at mabigyan ito ng aksiyon.
Maaari aniyang makipag-ugnayan sa kanila sa numerong 1326 na bukas mula Lunes hanggang Linggo 24/7. (NIÑO ACLAN)